HATAWAN – Ed de Leon .
NASAYANG na naman iyong oras ni Nora Aunor. Dapat nakapagpa-opera na siya roon sa doctor na umopera rin kay Julie Andrews sa US dahil nagbigay na naman ng panggastos para roon ang TV host na si Boy Abunda, at mukhang kasama roon ang “airline tickets na business class”. Hindi pa natuloy si Nora dahil inalok siya ng isang pelikulang pang-film festival. Kaso iyong pelikula naman ni Nora ibinasura na naman ng festival.
Hindi namin sinasabing basura ang pelikula ni Nora. Hindi namin sinasabing basura ang kanyang acting. Ang maliwanag lang na sinabi namin, ibinasura ang pelikula niyang isasali sana sa festival. Hindi iyon pinasali at ni hindi nakasama roon sa mga pagpipilian kung sakaling may entry na umurong sa festival. Nangyari na rin minsan iyan kay Nora eh, hindi siya kasali pero may pelikulang umurong kaya nakakuha sila ng slot sa festival. Ngayon kahit na sa alternate hindi siya isinali talaga.
Natatakot ba silang may pelikulang hindi makasali, tapos mapipilitan silang ipasok ang pelikula ni Nora kung kabilang iyon sa alternate movies? Natakot ba sila sa mga paniniwalang “history repeats itself”? Kung sa bagay kung ang mauulit na history ay iyong panahon ng Guy and Pip, maganda. Kung ang history na mauulit ay iyong sa Thy Womb, aba eh malaking disaster talaga iyon.
Pero sayang ang oras, dahil sana nakapagpa-opera na lang si Nora roon sa doctor na “umopera kay Julie Andrews”, para makapag-concert na siya ulit at makagawa ng album. Hindi iyong kinakantahan na lang siya ng iba bilang tribute sa kanya.