Kung palpak ang PNoy gov’t palpak din si VP Binay
hataw tabloid
June 26, 2015
Opinion
MATAPOS bumulusok sa Pulse Asia at Social Weather Station (SWS) surveys, gustong makakuha ni Vice President Jejomar Binay ng simpatya sa masa kaya nagbitiw na sa mga posisyon sa pamahalaang Aquino.
Sa sobrang galit, tinawag niyang “palpak” ang gobyernong limang taon niyang nasamantala para makapangampanya o makapag-ikot sa buong Pilipinas sa ambisyong maluklok sa Malakanyang.
Parang hindi abogado kung mag-isip, nagmistulang kulang sa sentido komun si Binay dahil kabilang siya siya sa gobyernong inilarawan niya na nagpapatupad ng “baluktot na pamamahala at hustisya.”
Naghamon pa si Binay na harapin siya ng lahat ng kalaban sa politika sa ‘malinis na halalan’ gayong batid niyang malabo siyang manalong Bise Presidente kung hindi pumatol sa mahika ng Precint Count Optical Scan (PCOS) machines o ang tinatawag na E-Magic.
Kung bubusisiing mabuti, hindi kayang ipaliwanag ni Binay kung paano siya nagkamal ng yaman kaya idinadaan na lamang niya sa retorika ang lahat. Marahil, may go-signal na si Binay kay Peping Cojuangco para banatan si PNoy. Si Cojuangco kasi ang pinagkakautangan ng loob ni Binay kaya siya itinalagang officer-in-charge (OIC) ng Makati na pinagharian niya mula noong 1986.
Biro mo, ang tinatawag ng yumaong alkalde ng Makati na si Nemesio Yabut na “DAK” na inuutus-utusan lamang niya na maghatid ng mensahe at kung ano-ano kay dating diktador Ferdinand Marcos ay abot-tanaw na ang pinakamataas na posisyon sa bansa. Adaw!
!***
PITIK-BULAG: Marami nang kumukuwestiyon ngayon sa kredibilidad ng SWS matapos lumabas sa mga tabloid na 66% ng mga mamamayan sa isang lungsod ng Metro Manila ang labis-labis na nasisiyahan sa performance ng kanilang alkalde.
Ang masaklap, nang itanong kay SWS Fellow and Director for Data Processing and Sampling Gerardo “Jay” Sandoval, inilinaw niya ang isyu sa mga katagang “If it’s not in SWS website, then we cannot comment on it.”
Nang busisiin, wala sa website na www.sws.org.ph. ang nasabing resulta ng SWS survey kaya malinaw na “pineke” lamang ng isang kilalang PR firm bilang “pa-birthday” sa alkalde.
Kinuwestiyon din ito ng isang kaibigan na may-ari ng STORM survey firm na si G. Porfirio Callanta at dating nagsa-survey para sa naturang alkalde.
Sabi ni Callanta: “Dapat i-confirm o i-deny ng SWS ang survey kasi kredibilidad nila ang nakataya riyan. May pagdududa ngayon kung gawa ba talaga nila ang survey o nasuhulan sila para gamitin ang kanilang pangalan. Pineke ba ang SWS survey ng isang politiko para lamang maging pogi sa mga botante?
Aba! Hindi dapat pagamit ang SWS sa propaganda ng mga politiko kung hindi naman talaga sila ang nag-conduct ng survey.”