Dapat nang mag-resign mga opisyal na tatakbo sa 2016 elections
hataw tabloid
June 26, 2015
Opinion
NASIMULAN na rin lang ni Vice President Jojo Binay ang pagbitiw sa gabinete ni PNoy, dapat sumunod na rin ang ibang opisyal na tatakbo sa 2016 elections.
Sino-sino nga ba sila?
Sina DILG Sec. Mar Roxas, Budget Sec. Butch Abad, Agriculture Sec. Prospero Alcala, MMDA Chairman Francis Tolentino, TESDA Director Joel Villanueva, DOTC Sec. Jun Abaya, Energy Sec. Jerico Petilla, Justice Sec. Laila de Lima, who else?
Ito’y upang hindi sila maakusahan na ginagamit nila ang pera ng taong bayan sa kanilang pag-iikot-ikot ngayon sa mga probinsiya na halata namang nangangampanya na.
Tulad lamang ni Tolentino. Kung saan-saang probinsiya na siya nakararating gamit ang mga tao at behikulo ng MMDA, e ang kanyang trabaho, dito lang sa Metro Manila!
Si Villanueva, panay-panay na ang labas ng kanyang advertisements sa TESDA na halata namang estilo na ng pangangampanya!
Alam n’yo ba kung magkano ang bayad sa bawat 30 seconds na advertisement sa TV? P300,000! Sa palagay n’yo ba ay sariling pera niya ito? Sigurado ako taxpayers money ang ginagastos nila!
Kaya… por delicadeza, mga Sir, magsibitiw na kayo sa mga posisyon ninyo ngayon… at wala na kaming pakialam kung anong pag-iikot pa ang gawin ninyo pag wala na kayo sa puwesto.
Batsi na!
Puwestohan ng shabu sa Sampaloc, Manila
– Joey, report ko dito sa 802 Cebu St., corner Visayan Avenue sa Sampaloc, Manila, ay ginagawang pwestuhan ng mga gumagamit ng shabu. Pakiaksiyunan naman po. – Concerned citizen
Puros pamemera ang gawa ng POSO ng Taguig City
– Sir Joey, reklamo ko itong mga POSO dito sa amin, sa Napindan, Taguig City. Kasi ano bang batas itong pinapairal nila? Baka nga ‘di alam ng butihing mayor namin na si Lani Cayetano… e sumusobra na po sila. Kung ang masita nilang may dalang panambak ay may panlagay, nakalulusot. Kung wala, impound. Ganyan ba ang utos sa kanila ni Mayora? Sana putulin na ni Mayora ang sungay ng mga POSO na yan! – Jam ng Napindan
Grabe na ang nangyayari sa kalye ng Divisoria!
– Sir Joey, pwede bang paki-kalampag ang City of Manila? Lalo po yatang lumala ang Divisoria-Recto. Palagi pong hirap kami sa umaga at gabi. Sa umaga nale-late kami sa pagpasok sa work at mga anak po namin sa school dahil wala pong masakyan sa Recto. Mga sasakyan at jeep ‘di na naman po makapasok sa Recto tuwing umaga, ang layo po ng nilalakad namin dahil 7am may mga vendor pa sa kahabaan ng Recto. Kami pong mga nakatira sa Asuncion, Sto Cristo, Carmen Planas, Tabora,Ilaya at ibang kalye sa sakop ng Recto ay naglalakad pa po hanggang Soler at Abad Santos o kaya naman sa Reina Regente. Ang pasok po ng mga bata sa school ay 6am at sa opis 7am at hirap na hirap po kaming dumaan sa Recto dahil nagkalat pa ang mga vendor sa kahabaan ng Recto at walang jeep at ibang sasakyan makadaan dito. Sana naman maaksiyunan ito ng Manila City hall. Dati naman po ay 6am maluwag na sa vendor ang kahabaan ng Recto. Ngayon po 7am hanggang 9am ay puno pa ng vendors ang kahabaan nito. Ang layo po talaga ng sakay namin na taga-Recto. Hindi makadaan ang mga sasakyan at jeep. Perwisyo na po sa amin na pumapasok sa opis at school. – 09164395…
Tototong totoo ito. Paging Mayor Joseph “Erap” Estrada: Maaaring hindi nyo alam ang nangyayari ngayon sa kahabaan ng Recto sa Divisoria. Paki na lang sa mga taong pinagkatiwalaan mong mamahala sa kalyeng ito. Masyado na nilang pinagkakakitaan ang kalye dito sa kabila ng napakaraming residente ang napeperhuwisyo rito. Aksyon, Sir!
Talamak na bentahan ng shabu sa likod ng Brgy Hall sa Pasig City
– Sir Joey, report ko po ang talamak na bentahan ng shabu sa Manggahan, Pasig City. Likod lang po ng Barangay Hall. Bulag siguro ang kapitan namin dito na si Bobby Bobis? – Concerned citizen
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015