Senado babalasahin para sa BBL?
hataw tabloid
June 23, 2015
Opinion
INUTUSAN umano ni President Noynoy Aquino si Senate President Franklin Drilon na i-reorganize o balasahin ang Senado upang mabilis na makapasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na binuo ng Palasyo.
Ito ang ibinunyag ni Senator Bongbong Marcos sa mga mamamahayag kung matutuloy ay maaaring mawala sa kanya ang pagiging chairman ng committee on local government na bumubusisi sa mga nilalaman ng BBL.
Hindi pumasa kay Marcos ang maraming probisyon sa BBL dahil salungat ito sa ating Konstitusyon.
Inilinaw ni Marcos na hindi siya kontra sa BBL at sa halip ay gumagawa ng paraan para ayusin upang hindi mauwi sa basurahan kapag dumaan sa Korte Suprema.
Hindi magandang senyales kung totoong magkakaroon ng balasahan sa utos ng Pangulo dahil lumalabas na binabraso ni PNoy ang Senado para maaprubahan ang BBL, na magbibigay ng kapangyarihan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kontrolin ang malaking bahagi ng Mindanao.
Nagpasaring pa si PNoy nang tanungin kung nasaan ang konsensiya ng mga kumokontra sa kapayapaan na idudulot ng BBL.
Pero may mensahe na lumabas sa social media na kumukuwestiyon kung paano nagawa ng Pangulo na magbigay ng milyones sa MILF kapalit ng 75 baril na isinuko sa isinagawang “decommissioning” ng armas at 145 na rebelde kamakailan.
Nakalimutan na raw ba ni PNoy na ang MILF ang nagmasaker sa 44 Special Action Force (SAF) commandos at hanggang ngayon ay hindi pa nila napananagutan ang krimeng ginawa?
Halimbawang magkaroon ng balasahan sa Senado ay hindi nito mababago ang katotoha-nan na salungat ang maraming kondisyones ng BBL sa Konstitusyon. Ipipilit ba nilang mailusot ang isang batas na hindi sumusunod sa Saligang Batas?
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.