ANG hindi pantay na ugnayang ito rin ang dahilan kung bakit nilululon natin ang mga anti-mamamayang panukala ng International Monetary Fund at World Bank. Ang mga institusyong ito ang naglulubog sa atin sa utang at nagpapalaganap sa privatization ng mga pampublikong institusyon. Malinaw na ngayon na ang privatization ang nag-aalis sa responsibilidad ng pamahalaan na kalingain ang mga mamamayan na siya namang nagiging kagyat na ugat ng ating kahirapa’t kahinaan.
Malinaw na masyado tayong nabulagan sa ating pagiging kliyente ng US. Ang status na ito ay nagpakitid sa ating pananaw kaya hindi natin nakikita ang kahalagahan nang pagtindig ng Tsina bilang ikalawa sa pinakamalaking ekonomiya ng mundo at ang patuloy na paglubog naman ng US bilang pangunahing puwersa sa daigdig.
Nakalulungkot na sa kabila nang ating sakripisyo nang mga nagdaang panahon ay hindi ito kinikilala ng US. Halimbawa, pansinin na puro sa salita lamang nakasalalay ang kanilang garantiyang ayuda kung sakaling tayo’y may makadigmang ibang bansa. Walang naka-papel na awtomatiko at kategorikal na garantiyang ayuda ang US sa atin katulad nang ibinigay niya sa mga Hapones o mga bansa na nakapaloob sa North Atlantic Treaty Organization o NATO.
Ayon sa Article III ng 1951 MDT, bago tayo tulungan ng pamahalaang Amerikano ay kailangan muna nilang konsultahin at hingin ang permiso ng kanilang kongreso. Mag-uusap muna ang mga opisyal ng ating republika at US kapag sa kanilang “opinyon ay may banta sa territorial integrity, political independence o seguridad ng alin man sa kanila…” Ang sabi naman ng susunod na artikulo ay ganito: “Each party recognizes that an armed attack in the Pacific area on either of the parties would be dangerous to its own peace and safety and declares that it would act to meet the common dangers in accordance with its constitutional processes…”
Ang simpleng ibig sabihin ng mga mabulaklak na probisyong ito ay aanihin lamang natin ang karapatang makipagkonsultahan sa mga Amerikano kung sakaling sa opinyon natin ay nanganganib ang ating teritoryo o kalayaan dahil halimbawa sa Tsina. Gayon man ibabatay sa mga “constitutional processes” ang kanilang magiging tugon sa ating pakikipagkonsultahan. Ibig sabihin ay maaaring wala tayong aasahang tulong kung ‘sa palagay’ ng kanilang kongreso ay hindi pabor sa kanilang interes na tayo’y tulungan. Lumalabas na ang katagang ‘constitutional processes’ sa probisyon ng 1951 MDT ang maaaring emergency exit ng mga Amerikano para umiwas sa kanilang obligasyon. (May kasunod sa Biyernes)
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna.
Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.