Wang Bo wanted sa House probe
hataw tabloid
June 16, 2015
News
INAASAHANG lulutang ngayong araw (Martes) sa gagawing imbestigasyon ng House committee on Good Government and Public Accountability ang tinaguriang Chinese crime lord na si Wang Bo.
Ayon kay Pampanga Rep. Oscar Rodriguez, chairman ng komite, inimbitahan nila si Bo na dumalo sa pagdinig para magbigay liwanag sa kontrobersiya na nagsangkot sa mga mambabatas na sinasabing tumanggap ng payola kapalit nang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ngunit pag-amin ni Rodriguez, walang kasiguruhan kung dadalo si Wang sa komite dahil hindi pa nakakausap ng kanyang abogado na si Atty. Dennis Manalo ang naturang fugitive Chinese national.
Inimbitahan din sa pagdinig sina Justice Sec. Leila de Lima, Immigration Commissioner Siegred Mison, at Associate Commissioners Gilberto Repizo at Abdullah Mangotara.
Banggit ni House Independent Bloc Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, dapat sagutin ng mga opisyal ng Bureau of Immigration kung totoo bang nawawala si Wang base na rin sa sinabi ng abogado nito.
Kung magugunita, iginisa ng mga mambabatas sina Mison, Repizo at Mangotara kaugnay ng anomalya sa nangyaring laban o bawi sa deportasyon ni Wang.
Jethro Sinocruz
Wang Bo isolated sa Taguig
NASA isolation sa Bureau of Immigration Detention Facility sa Bicutan, Taguig City si Chinese fugitive Wang Bo at kailangan ng clearance bago siya maaaring kausapin, ayon kay Justice Secretary Leila de Lima.
Ang pahayag ay ginawa ni De Lima nang umalma ang abogado ni Wang na si Atty. Dennis Manalo na hindi niya alam kung nasaan ang kanyang kliyente at hindi rin niya nakakausap.
Inamin ni De Lima na direktiba niyang ipagbawal na magkaroon ng access kahit kanino si Wang, kung abogado aniya ang kakausap sa dayuhan ay maaari ito ngunit kailangan muna ng permismo ng kalihim.
“Lawyers could always request my permission and I would allow him to see his client. I just want to make sure that he is not being accessed by the wrong people, that would exploit this issue. Kasi nga kaya lang naman naging ano itong usaping ito because of unang lumabas nga na balita na mga speculation which is totally or which is absolutely preposterous na fundraising for Bangsamoro Basic Law or Liberal Party,” paliwanag ni de Lima.
Una nang naging kontrobersiyal si Wang makaraan lumabas ang report na ang pera ng Chinese fugitive ay ginamit para suhulan ang mga mambabatas para sa isinusulong na pagpasa sa BBL ng administrasyong Aquino na ang kapalit ay hindi pagpapa-deport sa kanya pabalik ng China.
Sinasabing may basehan ang nasabing report makaraan ihayag ng Chinese Embassy na P91 bilyon ang illegal gambiling operations ng dayuhan sa bansa. Patungkol sa nasabing isyu, nilinaw ni de Lima na wala itong katotohanan.
Habang sinabi ni Atty. Manalo, maihahalintulad sa torture ang ginagawa sa kanyang kliyente. Ang pag-isolate at paglipat sa ibang piitan na malayo sa ibang detainee ay masasabing paglabag sa Anti-Torture Law dahil magbibigay ito ng pakiramdam sa kanyang kliyenteng dayuhan sa bansa, na posible siyang patayin kaya inihiwalay.
Ikinatwiran ni De Lima na mahalagang i-isolate muna si Wang lalo’t patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa sinasabing suhulan sa mga opisyal ng BI.
Leonard Basilio