Purisima ‘untouchable’ ba talaga?
hataw tabloid
June 16, 2015
Opinion
HINDI ba talaga puwedeng galawin ang dating Philippine National Police (PNP) chief na si Director-General Alan Purisima?
Ang mensahe ng Malacañang kay Senator Bongbong Marcos ay “Leave Purisima alone” dahil nagbitiw na sa puwesto.
Marami ang hindi sang-ayon dito dahil hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang pagkasawi ng 44 Special Action Force (SAF) commandos na minasaker ng puwersa ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero.
Si Purisima ang sinisisi rito dahil siya umano ang nagmaniobra sa naturang operasyon para hulihin ang isang teroristang Malaysian at isang Filipino bomb maker, kahit suspendido siya sa panahong iyon.
Sinuspinde siya ng Office of the Ombudsman nang anim na buwan kaugnay ng isang kuwestyonable umanong transaksiyon ng PNP.
Sa kasagsagan ng kontrobersiya sa Mamasapano ay nagbitiw si Purisima bilang PNP Chief, at nang matapos ang suspensiyon ay nag-leave.
Masama ang loob ng iba dahil kahit sabit sa kontrobersya at hindi nagtatrabaho ay sumusuweldo nang mahigit P100,000 buwan-buwan, samantala sila ay hindi makahinga sa sobrang pagod para sa kakarampot nilang sinusuweldo. Kapag nagretiro si Purisima ay tatanggap ng P91,000 buwanang pensiyon.
Hindi inilihim ng Pangulo na naging matalik silang magkaibigan ni Purisima mula nang iligtas siya nito sa isang pananambang noong nakapuwesto ang yumaong President Cory Aquino. Kaya hindi nawawala ang hinala ng marami na ‘protektado’ siya ni President Noynoy Aquino hanggang ngayon.
Kung may pananagutan o kapalpakan na nagawa si Purisima, puwede ba itong mabura nang dahil sa pagbibitiw niya sa puwesto? Paano naman ang hustisya na hanap ng mga kaanak ng SAF 44 kung totoong siya ang dapat sisisihin sa trahedya?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.