Pondong MERS-CoV na ‘di nagamit ‘di pwede ilipat
hataw tabloid
June 16, 2015
News
IBINASURA ng Malacañang ang panukala ni Sen. Ralph Recto na gamitin na lamang sa serbisyong pangkalusugan ang mga pondo na hindi nagamit ng gobyerno nitong mga nakalipas na panahon.
Sinasabing magandang pagkakataon ito na magamit ng pamahalaan ang mga hindi nagalaw na pondo, sa harap ng nararanasang pananalasa ngayon ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERS-Cov) na ilang mga kababayan nating Filipino ang apektado.
Iginiit ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, sa Cabinet meeting kamakailan, mahigpit ang bilin ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa lahat ng ahensya ng gobyerno na tiyaking magagamit sa mga akma at napapanahong proyekto para sa taong bayan ang kani-kanilang budget.
Ayon kay Lacierda, inaasahan ng Malacañang na mas malaking budget ang pakakawalan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa public service program sa susunod na yugto o quarter ng taon.
Pinoys sa SoKor MERS-free pa
WALA pang Filipinong nahahawa ng Middle East Respiratory Syndrome (MERS) virus sa South Korea.
“Wala pa po tayong natatanggap na report mula sa gobyerno ng Korea at galing sa ating mga leader ng Filipino community na meron nang biktima na Filipino,” sabi ni Philippine Ambassador to South Korea Raul Hernandez.
Gayonman, patuloy ang paalala niya sa mga Filipino sa South Korea na mag-ingat para maiwasang mahawa ng sakit.
Paalala rin niya sa mga Koreano na papunta ng bansa, “‘pag pumunta sila sa Flipinas, kailangan mag-cooperate sila roon sa ating health authorities sa airport para ma-screen ‘yung mga pumapasok at ma-fill up nila ‘yung forms kung saan sila pupunta para sigurado na safe ‘yung ating bansa sa MERS.”
Concert ng Korea pop group big bang ‘di kakanselahin
WALANG plano ang Palasyo na ikansela ang nakatakdang konsiyerto ng Korean pop group “Big Bang” sa susunod na buwan sa kabila nang paglobo ng bilang ng mga namatay at dinapuan ng Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus (MERS-CoV) sa South Korea.
Mismong sa South Korea ay ipinagbabawal muna ang pagdaraos ng mga konsiyerto at malaking pagtitipon dahil umabot na sa 14 ang namatay at 12 ang bagong kaso ng MERS-COV.
“Wala pang hakbang na ganyang ipinaiiral ng DOH ang mga infection prevention protocols,” ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr. kaugnay sa nakatakdang pagtatanghal ng K Pop group sa Mall of Asia Arena sa Hulyo 27.
Binigyang diin niya na todo ang preparasyon ng Filipinas upang mapigil ang pagpasok ng MERS-CoV sa bansa at nakalatag na aniya ang mga kaukulang hakbang, kasama na ang contact-tracing at iba pang infection control protocols upang ma-isolate ang mga nagpapakita ng sintomas ng sakit.
Rose Novenario