MULING pinaligaya ng singer/comedian na si Mojack Perez at ng businesswoman na si Ms. Thess Tagle ang mga batang may kapansanan ng Hagonoy, Bulacan last June 12. Nagkaroon ng feeding program at distribution ng school supplies at T-shirts.
Twice a year ay ginaganap ito bilang suporta at pagbibigay halaga sa mga bata at magulang ng SPHC Center (Supportive Parents of Hagonoy Children with Disability).
“Panata ko na kasi ito, dahil kailangan talaga ng mga batang ito ng ating tulong. Four years ko na itong ginagawa at nagpapasalamat ako dahil may mga sumusuporta rin sa akin sa project kong ito,” nakangiting saad ni Thess na tubong San Sebastian, Hagonoy, Bulacan.
Ang proyektong ito ay mula sa pakikipagtulungan nina Kagawad Marvin ‘Pak’ dela Cruz at Kagawad Daisy Balatbat Flores, kapwa kagawad ng Hagonoy, Bulacan. Nagbigay din ng tulong dito ang mga kaibigan ni Ms. Thess sa Japan na sina Mr. Toshiharo, Ms. Ayaka Noguchi, at Mr. and Mrs. Toshiro Toyokura.
Naghandog ng entertainment si Mojack at nakipagkantahan, tawanan, at sayawan sa mga bata. Bago matapos ang programa, ang ilang mga bata ay naghandog din ng special number bilang pasasalamat sa mga taong nagbibigay halaga sa kanila.
Dahil sa patuloy na pagtulong sa SPHC Center na pinamumunuan ng president nitong si Dra. Anawi Tolentino, binigyan ng certificate of appreciation sina Ms. Thess at kanyang Japanese friends sa naturang okasyon.