Isang makabayang ugnayang panlabas ang kailangan (1)
hataw tabloid
June 16, 2015
Opinion
PATULOY na yumayabong ang ekonomiya at lumalakas ang puwersang militar ng Tsina. Hindi na siya ang “Sick man of Asia” na pinagsamantalahan ng bansang Hapon at iba’t ibang mga kanluraning bansa noong huli hanggang kalahating bahagi ng 1800 at 1900. Gayon man sa kabila ng kanyang mga rebolusyunaryong ugat na namukadkad noong 1949 sa pagkakatayo ni Chairman Mao Zedong ng People’s Republic of China ay naging tila katulad na rin siya ng mga bansang nang-abuso sa kanya.
Nakalulungkot na ang kagila-gilalas na pagtindig ng Tsina mula sa mahabang pananakop at pananamantala ng mga kanluranin ay kinakikitaan ngayon ng mga katangian na binaka’t ibinagsak niya noong isinusulong pa niya ang kanyang rebolusyong bayan. Naging isang mang-aagaw na rin ng mga likas na yaman ang Tsina. Sa pamamagitan ng kanyang “nine-dash line” ay inaangkin niya ang halos buong South China Sea o West Philippine Sea, kabilang na rito ang maliliit na isla-islahan na tradisyonal na pag-aari natin katulad ng Ayungin Shoal, Panatag Reef at Kalayaan Islands Group. ‘Ika nga sa wikang Ingles, “China has become what she hated most.”
Kasabay nang unti-unting pagkawala ng ating mga teritoryo dahil sa Tsina ay mapangahas na sinasamantala naman ng Malaysia ang pagkakataon. Hindi kaila sa ating intelligence community na tinutulungan niya ang Moro Islamic Liberation Front at ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa kanilang pangunahing layunin na ihiwalay ang Mindanao mula sa ating Republika. Ito ay presyur ng Kuala Lumpur laban sa Maynila upang kalimutan natin na pag-aari ng Sultanate of Sulu ang Sabah at dapat ay nakapaloob ito sa ating teritoryo. Sa madaling salita ang MILF at BIFF ay naririyan para huwag na natin habulin ang Sabah.
Kasabay ng mga banta sa atin ng Tsina’t Malaysia ay inaagawan naman ng yamang dagat ng mga Taiwanese, Hapones, at Vietnamese ang ating mga mangingisda. May mga pagkakataon pa na itinataboy ng Taiwanese Coast Guard ang ating mga mangingisda habang nakatanaw lamang ang mga miyembro ng ating Philippine Coast Guard.
Lantaran, walang takot at sabay-sabay tayong sinasamantala ng mga bansang ito dahil mahina tayo. Higit sa kung ano pa man, ang kahinaang ito ay naka-ugat sa halos kawalan natin ng pambansang kaakuhan o national identity na siyang nagpapahina sa pamahalaan. Sa katunayan, ang napakanipis nating pambansang kaakuhan ang isang malaking dahilan kung bakit napakadali para sa marami sa atin ang magpalit ng citizenship, kung bakit walang hirap tayong mag-adopt ng mga banyagang kaugalian o kaya’y bulgarang mangarap ang ilan na maging ika-51 estado ng United States ang ating Republika.
(May kasunod sa Biyernes…)
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sahttps://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.