Patuloy na pagsasanay — Trillanes
hataw tabloid
June 15, 2015
News
BILANG pagkilala sa pangangailangan sa patuloy na pagsasanay ng ang ating mga propesyonal, lalo na sa papalapit na ASEAN Integration, inisponsor ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang Senate Bill No. 2581, o ang Continuing Professional Development (CPD) Act.
“Maraming oportunidad ang maaaring makuha ng ating mga propesyonal dahil sa ASEAN integration, kailangan lang nating siguraduhin na may sapat na kakayahan ang mga ito upang makipagsabayan sa mga bansang bahagi ng ASEAN na may kasanayan na naaayon sa mga batayan na tinakda sa ilalim ng Philippine Qualifications Framework (PQF), ASEAN Qualifications Reference Framework (AQRF), at ASEAN Mutual Recognition Arrangements (MRAs),” ani Trillanes, chairman ng Senate Committee on Civil Service and Government Reorganization.
Dagdag ni Trillanes, “Magagawa natin ito sa pamamagitan nang pagbuo ng isang mekanismo upang magkaroon nang patuloy na paghasa sa kasanayan at kaalaman ng ating mga propesyonal.
Sa pamamagitan ng panukalang ito, mabibigyan natin sila nang nararapat na sandata ‘di lamang upang makipagsabayan sa iba ngunit pati na rin upang makinabang sila sa mga oportunidad na binibigay ng integrasyong ito.” Ang CPD, ayon sa SBN 2581, ay tumutukoy sa mga “the post-licensure practice of inculcating skills, knowledge and ethical values upon all professionals through various methods such as formal learning, informal learning, self-directed learning, on-line learning activities, and accredited professional work experience.”
Sa ilalim ng panukalang ito, ang lahat ng propesyonal na nasa ilalim ng kapangyarihan ng Professional Regulation Commission ay kinakailangag dumalo sa CPD ng kanilang propesyon bilang bahagi ng kanilang requirement sa pag-renew ng kanilang mga ID at lisensiya. Magkakaroon din ng CPD Council sa bawat propesyon na mamamahala sa maayos na pagpapatupad ng CPD ng kanilang propesyon.
Ang lahat ng ahensiya ng gobyerno at mga pribadong kompanya na may mga propesyonal na empleyado ay inaatasang gawing bahagi ang CPD ng kanilang programa at plano para sa human resource development.
“Sa huli, ang ating mga kababayan din ang makikinabang sa pagkakaroon ng mga magagaling na propesyonal: ang ating mga tulay ay mas titibay nang dahil sa ating mahuhusay na engineers; magkakaroon tayo ng mas mataas na kalidad na health care sa bansa nang dahil sa ating mga doktor, nars, at pharmacist na may mga sapat na kasanayan; at marami pang iba. Kaya naman, tinatawagan ko ang ating mga kasama sa Senado na agarang ipasa ang panukalang ito bago magsimula ang ASEAN integration,” dagdag pa ni Trillanes.
Bukod sa panukalang ito, naisponsor na rin ni Trillanes ang maraming panukalang batas upang gawing moderno ang mga professional regulatory na batas, tulad ng Philippine Pharmacy law, Nutrition and Dietetics law, Chemistry law, at Comprehensive Nur-sing law.
Niño Aclan