Hindi kami pwede – Ping (Sa tambalang Lacson-Duterte sa 2016)
hataw tabloid
June 15, 2015
News
MARIING inihayag ni dating Senator Panfilo Lacson na hindi sila puwedeng magtambal ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa 2016 elections dahil pareho silang nalilinya sa iisang aspeto lang, ang peace and order.
“Una baka umusok kaming dalawa… Pangalawa, e parang isa lang ang dimension, ang core competence namin, parang nalilinya sa iisang aspeto lamang – ito ay sa larangan ng peace and order,” pahayag ni Lacson sa isang panayam sa kanya ng media.
Idinagdag ng dating senador na “Baka sa ibang aspeto, baka magkaroon ng maraming kuwestiyon.”
Kapwa nakapagtatag ng magandang reputasyon sina Lacson at Duterte sa kanilang mga paninindigan at kampanya laban sa kriminalidad.
Kinilala si Lacson sa kanyang mga reporma noong siya pa ang pinuno ng Philippine National Police sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Samantala, si Duterte ay nagawang pinakamatahimik na lungsod sa buong mundo ang Davao City, datapwa’t may ilang grupong nagsasabi na nasasagasaan ang karapatang pantao sa kanyang mga pinaggagawa.
Sa kabila naman ng mainit na panawagan para tumakbo si Duterte sa pagka-Pangulo sa darating na halalan, paulit-ulit niya itong tinatanggihan.
Sinabi ni Lacson na isa sa mga dahilan ng pag-aalinlangan niyang tumakbo muli sa pagka-Pangulo ang kanyang mababang rating sa pinakahuling presidential preferences surveys datapwa’t gustong-gusto niyang ipakita sa lahat at patunayan sa kanyang sarili na kaya niya at magagawa niyang baguhin ang lahat.
“Kasi ang tinitingnan ko lang sa ngayon, kung tataas ang numbers ko. Kung tataas, magkakaroon ng significant improvement, then I will continue pursuing my advocacy,” ayon kay Lacson.
Isa sa ikinokonsidera niya ang muling pagtakbo sa pagka-senador na nanguna siya sa pinakahuling Pulse Asia survey sa mga karapat-dapat tumakbo sa naturang posisyon sa 2016 elections.
Ani Lacson, kung itutuloy niya ang kanyang presidential bid, ipaprayoridad niya ang paglilinis sa burukrasya dahil ang government agencies ay direktang nakikipag-ugnayan sa taumbayan.
Ang numero uno umanong problema sa bansa ay ‘bad government’ at walang ibang paraan para malutas ang problema kundi itama ito.
Kung masama umano ang ginagawa ng 1.5 milyong empleyado ng gobyerno, ano pang aasahan mula sa 100 milyong Pinoy.