MARIING kinondena ng student publications sa ilalim ng College Editors Guild of the Philippines – Southern Tagalog, ang pag-aresto sa 12 katao sa Kawit, Cavite, kabilang ang tatlong estudyante ng University of the Philippines – Los Baños makaraan ang marahas na pagbuwag sa short program sa nabanggit na lugar.
Ang tatlong UPLB students ay kinilalang sina Romina Marcaida at John Carlo Alberto mula sa Anakbayan, at Charissa Cañeso mula sa League of Filipino Students. Sila ay nakatakdang kasuhan ng illegal assembly.
Ang programa, pinangunahan ng nationalist groups sa rehiyon, ay may layuning magbigay ng kamalayan at maipahayag ang pagkadiskuntento sa patuloy na neocolonial domination sa bansa.
“More than an expression of the harassment of our democratic space, it shows an irony and a deeper reason worthy of condemning,” ayon sa grupo.
“It is such an irony that such celebrations and assertions of genuine nationalism are suppressed by the BS Aquino government – which has been notorious in selling out our sovereignty to both the United States and China.”
“It is such an irony that we are living in a society which has almost the same method in suppressing its citizens like it did a hundred years ago — under direct colonial rule. Now, cases are slapped instantly upon those expressing dissent, under the guise of civil disturbance and questionable cases of illegal assembly,” anila.
HATAW News Team
ARAW NG KALAYAAN SINABAYAN NG PROTESTA
SINABAYAN ng iba’t ibang grupo ng protesta ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan kahapon.
Una na rito ang grupong Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberenya (PINAS) na sumugod sa Chinese Embassy sa EDSA-Buendia para kondenahin ang aktibidad ng Tsina sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Nagtipon din ang grupo sa harapan ng United States Embassy para ipanawagang huwag nang lumahok ang Amerika sa hidwaan upang maiwasang umigting ang tensyon at mauwi ito sa digmaan.
Tinutulan din ng PINAS ang Visiting Forces Agreement (VFA) na kinokonsidera ng Filipinas at Japan para mapalakas ang pagbabantay sa West Philippine Sea.
Kasabay nito, binulabog din ng hiwalay na grupo ng mga raliyista ang talumpati ni Camarines Sur. Rep. Leni Robredo na nanguna sa pagdiriwang ng Independence Day sa Kawit, Cavite.
Dinala na sa presinto ang 10 militanteng nagsisigaw sa pagsisimula ng talumpati ng kongresista para igiit na patalsikin si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III dahil sa huwad na kalayaan sa bansa.
Hindi natinag si Robredo sa kanyang talumpating tumutok sa kontribusyon ni Heneral Emilio Aguinaldo sa kasarinlan ng bansa.
Habang nagkaisa ang iba’t ibang grupo sa Occidental Mindoro sa pagtutol sa pagmimina sa libo-libong ektarya ng water shed area at ancestral domain sa lalawigan.
Hikayat ni PNoy sa Filipino
ARAL NG REBOLUSYON ISABUHAY SA KAUNLARAN
ni ROSE NOVENARIO
ILOILO – Hinikayat ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang sambayanang Filipino na isabuhay ang aral na iniwan ng mga bayaning lumaban noong panahon ng rebolusyon para sa ating kalayaan.
Sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Santa Barbara, Iloilo, sinabi ng Pangulong Aquino, kompiyansa siyang hindi mapupunta sa wala ang ipinaglaban ng mga bayani at nasimulan ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Pangulong Aquino, ang panawagan na lang sa atin ngayon ay manatiling nagbibigkis para itaguyod ang kapakanan ng kapwa, lalo na ng mas nangangailangan.
Dagdag ni Pangulong Aquino, sana ay gawing gabay ang nakaraan, isabuhay ang mga aral na ating natutuhan sa kasalukuyan upang makamit ang mga inaasam na pagbabago at pag-unlad.
Kasabay nito, ginunita ang naging laban ng mga Ilonggo noong panahon ng rebolusyon sa pangunguna ni Gen. Martin Delgado.
Inihalintulad niya ito sa kanyang reform agenda na nagtanim ng butil ng pagbabago at unti-unti na ngayong naaani ang bunga.