ni ROSE NOVENARIO
ILOILO – Hinikayat ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang sambayanang Filipino na isabuhay ang aral na iniwan ng mga bayaning lumaban noong panahon ng rebolusyon para sa ating kalayaan.
Sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Santa Barbara, Iloilo, sinabi ng Pangulong Aquino, kompiyansa siyang hindi mapupunta sa wala ang ipinaglaban ng mga bayani at nasimulan ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Pangulong Aquino, ang panawagan na lang sa atin ngayon ay manatiling nagbibigkis para itaguyod ang kapakanan ng kapwa, lalo na ng mas nangangailangan.
Dagdag ni Pangulong Aquino, sana ay gawing gabay ang nakaraan, isabuhay ang mga aral na ating natutuhan sa kasalukuyan upang makamit ang mga inaasam na pagbabago at pag-unlad.
Kasabay nito, ginunita ang naging laban ng mga Ilonggo noong panahon ng rebolusyon sa pangunguna ni Gen. Martin Delgado.
Inihalintulad niya ito sa kanyang reform agenda na nagtanim ng butil ng pagbabago at unti-unti na ngayong naaani ang bunga.