MET ibinenta ng GSIS sa NCCA
hataw tabloid
June 12, 2015
News
ANG Metropolitan Theater, higit na kilala bilang “The Met,” ay may bago nang may-ari makaraan lagdaan ang Deed of Absolute Sale ng state pension fund Government Service Insurance System (GSIS) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Sa ilalim ng Deed of Absolute Sale, ini-turn-over na ng GSIS ang pagmamay-ari sa NCCA na bumili sa 84-year old National Cultural Treasure sa halagang P270 milyon. Ang budget ay mula sa National Endowment Fund for Culture and the Arts, bahagi ng travel tax na nakolekta ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni GSIS President and General Manager Robert Vergara, “GSIS is privileged to turn over the ownership of this extraordinary asset to NCCA as the agency mandated to preserve and promote our rich national cultural heritage.”
Sa ilalim ng 2004 tripartite agreement na nilagdaan ng GSIS, NCCA at Manila City Government, ipinagkaloob ng GSIS bilang may-ari ng Met, ang “right of usufruct” sa city government para sa rehabilitasyon ng tanghalan, sa koordinasyon ng NCCA.
Gayonman, ang rehabilitation program ay hindi natupad na nagresulta sa pagkasira ng MET.
Noong Nobyembre 2014, pormal na inalok ni Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada ang GSIS sa pag-rehabilitate at pagbili sa MET sa halagang P267.15 milyon para magkaroon ng lugar ang Manila-based students and faculty in performing arts.
Bilang pagtupad sa mga probisyon ng RA 10066 o National Cultural Act of 2009 at sa tripartite agreement ng NCCA, GSIS at City of Manila, ipinabatid ng GSIS sa NCCA ang na-sabing alok.
Sa puntong ito, ang NCCA ay may 90-araw para ipatupad ang karapatan sa “first refusal” o tapatan ang alok ng City of Manila. Ang matching offer ay dapat bayaran nang buo o higit na mataas kaysa alok ng city government.
Noong Mayo 25, kulang 90-araw bago ang deadline, kinompirma ng NCAA ang pagbili sa The Met sa halagang P270 milyon.
Sinabi ni PGM Vergara “we look forward to the day when the Grand Old Dame of Manila theaters finally opens its doors to the public to enjoy season after season of live local music and arts performances.”
Nilagdaan nina PGM Vergara at Chairman Felipe M. de Leon Jr., ang Deed of Absolute Sale bilang kinatawan ng GSIS at NCCA. Sinaksihan ni Budget Secretary Florencio B. Abad ang paglalagda sa nasabing dokumento.