China bullying papalagan sa West Philippine Sea Coalition rally ngayon
hataw tabloid
June 12, 2015
News
HINDI palalagpasin ng mga Pilipino sa pangunguna ni dating Department of Interior and Local Government Secretary Rafael Alunan III ang pambu-bully ng China sa ating bansa sa paglulunsad ng malawakang rally kaugnay ng pagdiriwang ng ating Araw ng Kalayaan ngayon sa harap ng Chinese Consulate sa Buendia Avenue sa Makati City.
Ayon kay Alunan, ipapadama ng West Philippine Sea Coalition sa milyon-milyong Pilipino ang labis na pagkadesmaya sa garapalang pambabastos ng China sa soberaniya ng ating Inang Laya.
“Wala man tayong Sandatahang Lakas na katulad ng sa China na isa nang superpower, kailangang maunawaan ng mga Chinese na walang naniniwala sa inimbento nilang nine-dash line at dapat nilang igalang ang ating kasarinlan na natamo natin sa pakikibaka sa mga superpower din tulad ng Spain, United States at Japan,” giit ni Alunan.
“Ipaglalaban natin ang ating mga teritoryo at isisigaw sa harapan ng Chinese Consulate ang ‘Alis Diyan! Amin ‘Yan!’ upang ipaglaban ang ating lehitimong karapatan sa West Philippine Sea.”
Magsisimula ang tinaguriang Martsa para sa Kalayaan sa pagtitipon-tipon bandang 9:30 sa The Columns sa kanto ng Buendia at Ayala Avenue. Isa munang press conference ang pambungad ng koalisyon na magsisimula dakong 10am hanggang 10:30am bago magmartsa mula Malugay St., Buendia patungo sa harapan ng konsulado sa 330 World Center.
Maghahayag ng protesta laban sa China ang mga grupo tulad ng Reform the Armed Forces Movement, Anti-Drugs Advocates, Volunteers Against Crime and Corruption, Motorcycle Federation of the Philippines, Motorcycle Rights Association, Quezon City Motorcycle Association, Heroes Foundation, PRO-GUN at iba pang asosasyon at non-government organizations.
Matagal nang binabatikos ni Alunan ang hindi makatarungang pagkamkam ng China sa mga islang higit na malapit sa ating teritoryo kung ikokompara sa kinaroroonan ng bansang ito na tila nalalasing sa kapangyarihan.
“Puwersahan na nilang sinasakop at inaangkin ang mga islang pag-aari ng ating bansa na isa sa mga pinaniniwalaang ginagawang pabrika ng illegal drugs na kanilang isinu-supply naman sa mga nalululong sa masamang bisyo,” ayon naman sa pahayag sa Anti-Drugs Advocate.
Hinihiling din ng nasabing grupo na magsuot ng itim na t-shirt at magpapamigay sila ng kamiseta sa unang 100 makararating sa lugar ng protesta.