SI Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas ang tinutukoy na Cabinet Secretary na utak ng black propaganda laban kay Immigration Commissioner Siegfred Mison.
Ito ang lumalabas sa media release ni Bureau of Immigration (BI) spokesperson Atty. Elaine Tan, kamakalawa sa kasagsagan ng pulong ng mga Gabinete sa Malacañang.
Kaugnay nito pina-bulaanan ni Llamas na siya at ang grupong Akbayan ang nasa likod nang pagsingaw ng mga anomalya ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Siegfred Mison.
Sinabi ito kahapon ni Llamas kasunod ng pahayag ni BI Spokesperson Elaine Tan na isang miyembro ng Gabinete mula sa makakaliwang grupo ang utak ng black propaganda laban kay Mison sa layuning mapunta sa naturang pangkat ang kontrol sa kawanihan.
“Hindi totoo ‘yun,” ani Llamas sa isang text message sa Hataw hinggil sa usapin.
Bagama’t hindi kinilala ni Tan kung sino ang Cabinet member at leftist group, pinaniniwalaang si Llamas ang kanyang tinutukoy dahil siya lang ang miyembro ng gabinete mula sa maka-kaliwang grupong Akbayan na tumulong sa kandidatura ni Pangulong Benigno Aquino III noong 2010 elections.
Inakusahan ni Tan ang pangkat na nais kontrolin ang BI at gamitin para ayudahan ang kanilang mamanukin sa 2016 presidential derby.
Kaugnay nito, ikinaila ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., na sinabon ni Pangulong Aquino si Justice Secretary Leila de Lima sa cabinet meeting kamakalawa.
Wala rin aniyang katotohanan na hindi natapos ang pulong ng gabinete dahil nabuwisit ang Pangulo sa isyu nang pagkaladkad sa Liberal Party at Malacañang sa pagpigil ng BI sa deportation ng Chinese crime lord na si Wang Bo makaraan magbigay ng P100-M campaign funds para sa Liberal Party at $10-M na ipinansuhol ng Palasyo sa mga kongresista para paboran ang Bangsamoro basic Law (BBL).
“Walang ganyang nangyari sa cabinet meeting kahapon, hindi totoo at walang batayan,” sabi ni Coloma.
Sina Mison, Associate Commissioners Gilberto Repizo at Abdullah Mangorata ay iniimbestigahan ng Kongreso kaugnay sa Wang Bo bribery.