APRUB na sa Kamara ang panukalang magkaroon ng libreng public Wi-Fi sa bansa.
Nabatid na 211 mambabatas ang kumatig sa panukala sa botohan nitong Martes.
Halaw ang House Bill No. 5791 o “an Act providing free public wireless internet access” sa ipinanukala ni Kabataan party-list Rep. Terry Ridon na House Bill1550.
Sa bisa ng batas, maglalagay ng libreng Wi-Fi sa mga pampublikong gusali, terminal ng mga sasakyan, mga parke at plaza sa buong bansa.
Sa loob ng dalawang taon mula sa pag-iral ng batas, makatitiyak na magkakaroon ng libreng internet connection ang mga tinukoy na lugar na lalagyan ng broadband hotspots.
Iniuutos ng batas na ipatupad din ito ng mga ahensiya ng pamahalaan lalo na ang Information and Communications Technology Office (ICTO) ng Department of Science and Technology (DOST).
Iaakyat na ang panukalang batas sa Senado.