KALIBO, Aklan – Tini-yak ng Kalibo International Airport ang mahigpit na pagbabantay upang masigurong hindi makapapasok sa bansa partikular sa isla ng Boracay, ang Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-COV).
Sinabi ni Mr. Martin Terre, manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP-Aklan), lalo pa nilang hinigpitan ngayon ang kanilang quarantine measures.
Ayon kay Terre, inalerto nila ang kanilang counterparts sa Bureau of Quarantine at Bureau of Immigration.
Nararapat aniyang maging alerto at mag-i-ngat ang publiko sa naturang sakit lalo pa at may direct flight ang Kalibo International Airport sa Incheon, South Korea na patuloy ang pagtaas ng bilang ng MERS-CoV at nakapagtala na ng anim na patay habang halos 100 katao ang tinamaan nito.
Aminado ang CAAP na kahit lubos nilang kailangan ang thermal scanners gaya ng ginagamit sa Ninoy Aquino International Airport, mahigpit nilang ipinatutupad ang quarantine procedures sa naturang paliparan.
Ayon sa kanya, handa ang kanilang holding room sakaling may mga pasahero na makitang may lagnat na isang sintomas ng MERS-CoV.
Bukod dito, may ipinalabas ding alert bulletin ang Bureau of Quarantine sa maaaring pagpasok sa bansa ng nakamamatay na sakit.
Ang Kalibo airport ay gateway sa milyon-milyong foreign visitors taon-taon na bumibisita sa isla ng Boracay.
Sa kasalukuyan, kinompirma ng Department of Health na nananatiling MERS-CoV free ang bansa. (GMG)