SINIBAK sa puwesto ang tatlong tauhan ng Manila Police District- Station 4 habang iniimbestigahan ang pagkamatay ng isang preso sa nasabing estas-yon makaraan pagtulungang bugbugin ng mga kapwa preso.
Ayon kay Supt. Mannan Muarip, hepe ng MPD-PS4, base sa kanilang daily personnal accounting report, lima sa naka-duty na pulis ay tatlo lamang ang pumasok sa kanilang shift nang mangyari ang pagbugbog sa biktimang si Marvin Curtina, 41 anyos.
Kabilang sa iniimbestigahan at sinibak sa puwesto sina PO2 Ranilo Flores, SPO1 Vicente Maborrang, at PO2 Delfinito Anuna.
Aminado si Muarip na nagkaroon ng lapses sa kanyang mga tauhan kaya iniimbestigahan ang insidente.
Base sa kuha ng CCTV sa loob ng kulungan, makikita na dalawang preso ang nakatingin sa kabilang selda habang binubugbog ang biktima noong Hunyo 3 dakong 7 a.m.
Sa impormasyon, sinasabing nasuntok ng biktima ang kapwa preso na si Benjamin Pineda na isang miyembro ng Bahala na Gang, naging dahilan upang pagtulungan siyang bugbugin sa loob ng selda.
Gayonman, dakong 6 p.m. inilabas sa selda ang biktima at dinala sa ospital ngunit ibinalik din sa MPD-PS4 ngunit ipinuwesto na lamang sa hallway upang hindi mapag-initan ng kapwa preso.
Kinabukasan, dakong 10 p.m. nakita na lamang na nakabulagta ang biktima. Isinugod siya sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay.
Kaugnay nito, dinala na sa MPD-HQ ang pitong preso makaraan isailalim sa inquest proceedings nitong Sabado.
Leonard Basilio