PATAY ang presidente ng asosasyon ng mga tricycle driver nang barilin ng riding in tandem makaraan tumanggi ang biktima na ibigay ang kanyang motorsiklo sa mga suspek kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Saint Claire Hospital ang biktimang si Rudy Garino, 53, nakatira sa Dayap St., Brgy. Palanan ng naturang lungsod.
Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Lumalabas sa inisyal na report na natanggap ni Makati City Police Officer In Charge (OIC), Sr. Supt. Ernesto T. Barlam, naganap ang insidente dakong 7 p.m. sa panulukan ng Dayap at Ibarra Streets, Brgy. Palanan ng naturang lungsod.
Habang pasakay ang biktima ng kanyang motorsiklo, bigla siyang nilapitan ng mga suspek na magkaangkas sa isang walang plakang motorsiklo.
Pilit na kinukuha ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima, ngunit tumanggi siya kaya binaril siya sa ulo ng mga salarin saka inagaw ang kanyang sasakyan.
Bukod sa pagiging presidente ng samahan ng tricycle drivers, nagpapautang din ng pera ang biktima.
Ayon sa misis ng biktima na si Marietta, umaabot sa P80,000 ang kinokolekta at ipinapautang ng kanyang asawa kada araw.
Hinala ng pamilya Garino, maaaring may kinalaman sa pagiging pinuno ng TODA ang motibo sa pagpatay, at posible ring dahil sa negosyong pautang ng biktima.
Jaja Garcia