NAGHAIN ng reklamong administratibo at kriminal ang ilan sa mga biktima at kaanak ng mga namatay sa sunog sa Kentex Manufacturing Corporation sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Atty. Remigio Saladero, legal ng mga biktima, kabilang sa kinasuhan nila sina Interior and Local Government Mar Roxas at Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz.
Giit nila, may pananagutan si Baldoz dahil sa inisyung certificate of compliance sa Kentex kahit may paglabag ito sa occupational health and safety standards.
Dapat din aniyang managot si Roxas bilang pinuno ng Bureau of Fire Protection (BFP) na bigong maglabas ng ulat na may paglabag ang naturang pabrika.
May kabuuang 50 pamilya ang lumagda sa reklamo.
Ilan sa kanilang inirereklamo ay negligence in performance of duty at reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries.
Palasyo hindi nabahala
HINDI nababahala ang Palasyo sa akusasyon na may pananagutan sina Interior Secretary Mar Roxas at Labor Secretary Rosalinda Baldoz sa Kentex fire na ikinamatay ng 72 katao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, kayang sagutin nina Roxas at Baldoz ang reklamong isinampa laban sa kanila sa Ombudsman hinggil sa insidente.
“We are very confident is that the Secretary of Labor and Employment and Secretary of DILG, Mar Roxas, will be able to address those concerns. I am confident that they will be able to respond to those allegations and hindi po kami nababahala doon sa mga kasong isinampa ng abugado,” ani Lacierda.
Rose Novenario