KORONADAL CITY – Anim na taon at isang buwan hanggang walong taon pagkabilanggo ang hatol laban kay dating Koronadal City Mayor Fernando Miguel makaraan mapatunayang guilty sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang naturang kaso ay kaugnay sa transaksyon na ipinasok ng city local government na kinabibilangan ng real property para sa lokasyon ng bagong city hall building, at kumuha si Miguel ng serbisyo ng isang private counsel sa pamamagitan ni Atty. Joffrey Montefrio at nagsagawa ng notaryo para sa deed of sale.
Binayaran ang naturang abogado ng kabuuang P419,000 para sa kanyang serbisyo.
Ngunit ayon sa Ombudsman, ang pagkuha ng private lawyer ni Miguel ay labag sa COA Circular 98-002 na nagbabawal sa government entity na mag-hire ng private lawyer maliban na lamang sa extraordinary o exceptional circumstances.
Sinabi ng anti-graft court na ang ginawa ni Miguel ay nakaapekto sa gobyerno partikular sa Lungsod ng Koronadal dahil sa paggamit niya ng pondo na umabot sa P149,000 bilang bayad sa private lawyer.
Samantala, dahil sa kakulangan ng ebidensiya ay nakalusot sa hatol sila City Treasurer Eufrosino Inamarga at City Accountant Imelda Tamayo na dawit din sa kaso.