Monday , December 23 2024

Wala bang puso ang Kapuso TV management?!

ISANG malaking protesta ngayon ang isinasagawa ng mamamahayag laban sa KAPUSO GMA-7 dahil sa isyu ng contractualization.

Pero hindi simpleng contractualization ang isyung kinapapalooban ng mga mamamahayag sa GMA-7 o ‘yung tinatawag na Kapuso network.

Ilang mamamahayag sa Kapuso network ang tinatakan ng management na ‘talents.’

‘Talents’ kuno sila dahil hindi sila kabilang sa mga regular na empleyado ng GMA-7.

Kung sa pangkaraniwang pabrika, ang tawag sa kanila pakyawan or piece rate worker.

Kumbaga, babayaran sila, base sa trabahong nai-produce nila.

Pero sa kapuso network, talents ang tawag sa kanila base sa produksiyon na nililikha nila.

Ito ngayon ang siste, komo talents sila, hindi sila maaaring tumanggap ng ‘kabayaran’ o itinuturing nila suweldo sa Kapuso network hangga’t wala silang acknowledgement receipt (AR) or official receipt (OR).

At ‘yan ang problema ng mga binansagang ‘talents’ sa Kapuso network.

Bago sila makapag-produce ng resibo, kailangan nilang sumailalim sa mga prosesong itinatakda ng rentas internas.

Sa prosesong ito, gagastos sila nang pinakamababa sa P5,000. At kapag mayroon na silang permit to print saka lang sila makapagpapaimprenta ng resibo at kailangan din nilang gumastos nang hindi kukulangin sa P10,000 para makapagpaimprenta ng resibo na ang pinakakaunting volume ay 10 booklet. Kung hindi aabot ng 10 booklet, walang imprentang tatanggap sa kanila.

Mantakin ninyo, bago nila masingil ang halagang P7,000 sa pinakamababa sa GMA 7 bilang talents daw, ‘e kailangan nilang gumastos nang hindi kukulangin sa P15,000?!

What the fact!?  

Hindi ba’t malinaw na pag-iwas ‘yan ng Kapuso network sa kanilang mga obligasyon at responsibilidad sa tinatawag nilang talents pero sa totoo lang ay gumaganap sa kanila ng mga tungkulin na higit pa sa isang regular na empleyado?!

Inilunsad ng mga miyembro ng Talents Association of GMA (TAG) ang tigil-trabaho nitong Hunyo 5 bilang kilos-protesta at tugon sa ‘pagpigil’ ng management sa kanilang sahod.

Nitong nakaraang buwan, ang sahod ng mga talent ay ginawang tseke, at ipalalabas lamang kapag nakapag-isyu ng acknowledgment receipts (AR). Nanindigan ang TAG members na sila ay regular employees kaya hindi na nila kailangan mag-isyu ng AR.

Mahigit 100 TAG members ang naghain ng reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) nitong nakaraang taon.

Makaraan ang mahigit isang taon, nanatiling nakabinbin ang kaso.

Ayon kay Shao Masula, TAG vice president, ang kanilang mga miyembo ay nakatanggap na ng return-to-work memorandums mula nitong Miyerkoles, Hunyo 4.

Kung hindi sila papasok, sila ay tatanggalin na sa kanilang trabaho.

‘Yung hindi nagpapasuweldo nang maayos, sila pa ba ngayon ay may karapatang magtanggal sa mga empleyado?    

Malawak na ang suportang natatanggap ng TAG. 

Lumahok ang campus journalists at mass communication students sa nasabing kilos-protesta.

Nagpasalamat si Ria Tagle, chairperson ng Student Council of University of the Philippines College of Mass Communication (UP-CMC) sa TAG “for fighting for the future of the next generation of media practitioners.”

Habang kinondena ni Marc Lino Abila, national president ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang pagsupil sa karapatan ng GMA 7 talents.

Inihayag din ni Michelle Ann Ruiz, vice chairperson ng Student Council of the Polytechnic University of the Philippines College of Communication, ang pakikiisa ng PUP students sa TAG.

Nariyan din ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na todo-suporta sa TAG.

Sa ganang atin, hangad natin na magkaayos ang dalawang panig sa makatarungang kasunduan.

Walang mawawala sa Kapuso management, kung haharap sila sa mga nagpoprotestang empleyado para ayusin ang isang isyung matagal nang umaagrabyado sa hanay ng mga mamamahayag.

Panahon na para magkaisa ang dalawang panig para tutulan ang mapanlamang na sistema ng constractualization na umiiral ngayon sa lahat ng industriya sa bansa.

Hindi ba’t mas magandang sa hanay ng mga ‘tagapagahatid ng katotohanan’ maresolba ang isyung ito, Kapuso network?!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0927.590.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *