KALIBO, Aklan – Inaresto ng isang babaeng jail guard ang 38-anyos ginang makaraan mabuking ang tangkang pagpuslit ng ilegal na droga sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Brgy. Nalook, Kalibo, Aklan kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Cecille Nervar, residente ng Brgy. Camanci Norte, Numancia, Aklan, ipupuslit sana ang tatlong sachet ng shabu ngunit nabisto nang kapkapan ng jail guard.
Ayon kay SJO3 Rolyn Malolos, officer-in-charge ng BJMP-Aklan, sumailalim sa body search ang suspek bago pumasok sa comfort room.
Nagtaka sila kung bakit hindi siya agad dumeretso sa visitor’s area kundi pumunta sa CR at nagtagal nang halos 10 hanggang 15 minuto.
Dahil dito, muli nilang pinasok ang suspek sa search room makaraan mapansin na parang balisa at natatakot.
Sa ikalawang body search, nakuha sa kanyang bulsa ang mga sachet ng shabu na isinilid niya sa maselang bahagi ng katawan at inilabas sa loob ng banyo.
Sinabi ni SJO3 Malolos, dadalawin sana ni Nervar ang inmate na si Randy Melgarejo, na sangkot din sa pagtutulak ng shabu.
Umiiyak na inamin ng suspek na kinausap lamang siya ng kanilang kapitbahay upang ipuslit ang shabu sa inmate na si Melgarejo.