HATAWAN – Ed de Leon .
NAPANOOD namin iyong ngayon ay kontrobersiyal na pinag-uusapang nangyari sa Eat Bulaga tungkol doon sa baklang humihingi ng payo sa kanilang Problem solving portion at nasabi nga ni Senador Tito Sotto na “magbalik sa closet”.
Una, aminin natin na iyang problem solving na iyan ay hindi naman seryoso kundi puro patawa rin ang mga sagot nila. Kaya nga pagkatapos ng usapan tinatanong nila iyong humingi ng payo sa kanila kung may natutuhan ba o wala. Sa natatandaan naming, nagtanong ang isang bakla kung paano nga rrw kaya niya maiiwasang magkaroon ng discrimination sa kanyang mga anak dahil ang tatay nga nila ay bakla? Ang payo ni Jose, okey lang na bakla siya basta huwag naman siyang umayos na bakla para huwag mapahiya ang mga anak niya. Roon nagdugtong si Senator Tito na “ibalik sa closet”.
Aminado naman iyong bakla na ok iyon, at magagawa niya iyon alang-alang sa kanyang mga anak. Ano ang nakikita nilang problema roon? Ano ang masasabi mong discrimination doon? Hindi ba practical lang naman iyon dahil kahit na iyong bakla mismo na humingi ng payo ay nagsasabing baka tuksuhin ng ibang tao ang mga anak niya dahil bakla siya.
Ano ang ipapayo mo roon, ‘di itago niya ang pagiging bakla niya para hindi malait ang mga anak niya. Ano ba ang mas tamang payo, sabihin mong pabayaan mo na lang malait ang mga anak mo dahil talaga namang bakla ka? O dapat bang ipayo mo na makipag-away ka basta natukso ang mga anak mo dahil bakla ka?
Iyong payo practical lang. Walang sinabing masama ang bakla o ang maging bakla.