IKINASA na ng mga lider ng gobyerno-lokal ang kanilang suporta sa hangarin ni Panfilo “Ping” Lacson na tumakbo sa pagka-presidente makaraang isulong ng dating senador ang kanyang adbokasiya para gawing parehas ang alokasyon ng halos 3 trilyong-pisong badyet-nasyonal sa susunod na taon.
“Kailangan dagdagan ang Internal Revenue Allotment share ng LGUs at bawasan ang alokasyon para sa mga ahensiya ng gobyerno-nasyonal upang maramdaman ng mamamayan ang daloy ng serbisyo hanggang sa mga kanayunan,” pahayag ni Lacson sa kanyang pag-ikot sa mga lalawigan ng Pangasinan, Batangas, Leyte, Cebu at Surigao.
Sa kanyang tuloy-tuloy na pagpulso sa kanyang mga kababayan sa mga lalawigan ay may kompiyansa ang dating senador na aani ng suporta mula sa mga pamahalaang lokal ang itinataguyod niyang panawagan para sa equitable allocation ng national budget.
Nagpahayag ang mga lider-lokal sa limang lalawigan na kanyang pinasyalan nang sabay-sabay na pagpasa ng resolusyon para sa kanyang adbokasiya na pantay na hatian ng pondo ng gobyerno, sabay ng panawagan ng suporta sa tinawag nilang “Lacson presidency sa 2016.”
Noong isang araw ay nagpahayag naman si Lacson ng kahandaang lumaban sa 2016 presidential race kung, ayon sa kanya, kanyang maramdaman ang suporta ng mamamayan.
“I will go for it,” sagot ni Lacson sa tanong kung itutuloy niya ang planong pagkandidato sa pagka-pangulo sa darating na halalang pampanguluhan.
Pero, ayon sa kanya, “kailangan ay maipakita ng mga sumusuporta sa akin na kami ay mayroong numero para manalo.”
Pagbabasehan umano ni Lacson ang mga susunod na resulta ng survey para sa mga nais kumandidato sa pagka-presidente. “Kung gumanda ang resulta ng aking mga numero ay tuloy ang aking pagtakbo,” sabi ng dating senador, na sa loob ng 12 taon panunungkulan sa Senado, kailanman hindi nabahiran ng anomang anomalya.
Si Lacson din ang tanging senador na hindi tumanggap ng daan-daang milyong pisong Project Development Assistance Funds sa buong dalawang termino n’ya sa Senado.