ARESTADO ang isang nagpakilalang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at dalawang cameraman ng isang TV network sa isang entrapment operation ng Quezon City Police District (QCPD) sa Visayas Avenue, Quezon City.
Kinilala ang mga suspek na si Victor Lee, nagpakilalang NBI agent; Timothy James Tibahaya, nagpakilalang cameraman; at Bobi Zamora, sinasabing assistant cameraman.
Sa imbestigasyon, nagtungo ang mga suspek sa bahay ng negosyanteng si Reynaldo Orense dahil sa sinasabing reklamo ng kanyang dalawang dating tauhan na paglabag sa Labor Code.
Nagpakilala ang mga suspek na tauhan ng isang investigative program ng isang TV network.
Ipinakita ng mga mga suspek sa negosyante ang anila’y video interview ng mga nagrereklamo at sina-bing nasa kustodiya na ng NBI.
Humihingi ng P100,000 ang mga suspek kapalit nang hindi pag-eere ng interview.
Humingi ng tulong ang negosyante sa pulisya at ikinasa ang entrapment operation sa loob ng isang mall at doon naaresto ang mga suspek.
Kakasuhan ang mga suspek ng robbery extortion at usurpation of authority.
Almar Danguilan