“WALANG KABULUHAN, walang saysay, walang katotohanan!”
Ito ang naging komento ni DILG Secretary Mar Roxas sa mga patutsada ni UNA interim president Toby Tiangco laban kay Senadora Grace Poe.
Nasa Legazpi City si Roxas para sa patuloy na distribution ng mga bagong patrol jeeps sa mga munisipalidad sa buong bansa, nang magpaunlak ng maikling panayam sa mga reporter.
Kahit trabaho ang ipinunta ni Roxas sa Legazpi ay hindi niya natakasan ang usaping politika.
Para kay Roxas, dapat ay ipaubaya na sa proseso ng batas ang mga usaping teknikalidad. “Pagkatao ang pinag-uusapan dito. ‘Yung residency or citizenship issue, teknikalidad yan ‘e. Sa ngayon, mas mahalaga ang usapan tungkol sa pangungurakot, ‘yung pagpapayaman sa maling paraan at panloloko sa taumbayan,” diretsahang sabi ng Kalihim.
Nahaharap si Vice President Jejomar Binay, ang anak na si Makati Mayor Junjun Binay at kanilang mga kaanak at kaalyado sa patong-patong na kaso ng sinasabing katiwalian mula sa umano’y overpriced na mga konstruksiyon at maanomalyang transaksiyon sa Makati City Hall.
Ibinahagi ni Roxas na hindi na bago sa kanya ang mga ganitong pambabato ng putik at sinabing dapat manatiling matatag si Senador Poe sa gitna ng mga pambabatikos.
“Manatili ang iyong katatagan ng loob na nasa tama at ang iyong hangarin, malalagpasan din ito dahil sa dulo alam ng ating mga kababayan kung ano ang mas mabuti at ano ang kasinungalingan at paglilinlang.”
Pinalagan din ni Roxas ang akusasyon ni VP Binay na pinupuntirya na ng Partido Liberal na siraan si Senator Poe. “Hindi namin gawain ‘yan. Tingnan ninyo ang media mismo. Sino ba ang pumupuna kay Senadora Grace? ‘Di ba mga opisyal ng UNA? ‘Di ba mga kamag-anakan ng Vice President mismo? Kaya bakit niya ituturo sa ibang tao ‘yung ginagawa mismo ng kanyang mga pamilya at mga kakampi?”