TINAWAG na “Big Brother” ng mga mayor at gobernador ng iba’t ibang lungsod at probinsiya si DILG Secretary Mar Roxas pagkatapos na tuparin ng huli ang kanyang pangakong pagbibigay ng mga bagong patrol jeep para sa pulisya.
“We’re very happy dahil ‘yung ipinangako sa amin natupad na,” sabi ni League of Municipalities President Sandy Javier.
Kamakailan ay nagkaroon ng turnover ceremony ng mga bagong patrol jeeps sa Camp Olivas, Pampanga na dinaluhan ng mga opisyal.
Matagal nang idinadaing ng mga lokal na opisyal ang mga luma at kakarag-karag na patrol jeeps na halos hindi na magamit sa pagroronda ng mga pulis.
“’Yung amin beyond repair na, kung anong piyesa ang puwede, ‘yun ang inilipat,” sabi ni Zambales Mayor Jose Angelo Dominguez. “Nanghihiram na lang kami ng pang-patrol sa Zambales provincial office.”
Kabahagi ang pagbibigay ng mga bagong patrol jeep sa mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng ‘Oplan Lambat-Sibat’ na pinupuntiryang mapababa ang krimen sa pamamagitan ng sistematiko at programadong pagpapakalat ng mga checkpoint, mobile patrol at iba pa.
Makatutulong din ang mga patrol jeep sa panahon ng kalamidad para sa mga LGU.
Sa estima ng DILG, lahat ng munisipyo sa buong bansa ay makakukuha ng isang bagong patrol jeep, kahit pa hindi kaalyado ang pinuno nito.
“We’re very grateful to Sec. Roxas who consistently worked hard so that these vehicles will be allocated to all the mayors,” sabi ni Mayor Javier.
“This is a very special day for us. Kailangang-kailangan ng mga mayor ng bawat municipalities in terms of peace and order situation. Malaking tulong talaga,” pasasalamat ni Samar Governor Sharee Ann Tan.
Bumili ang DILG at PNP ng 1,470 bagong patrol jeeps para sa mga munisipyo.
Sa mga nakaraang linggo ay naibigay na sa Zambales, Bataan, Pampanga, Sarangani, South Cotabato at Samar ang nasabing patrol vehicles.