PINURI ni dating Department of Interior and Local Government Secretary Rafael Alunan III ang ginagawang paghahanda ng Metro Manila Development Administration (MMDA) hinggil sa paghahanda sakali mang muling yanigin ang bansa ng malakas na lindol.
Ayon kay Alunan, umabot na sa 25 malalakas na lindol ang sunod-sunod na lumikha ng takot sa buong mundo simula nang gulantangin ng 7.7 magnitude ang Baguio noong 1990.
Huling naganap ang killer quake noon lamang nakaraang buwan sa Nepal kaya sapat na ito upang maging sanhi ng pangamba sa bawat puso ng mamamayang Filipino.
Mabuti na lamang aniya at narito ang MMDA na magsasagawa ng Metrowide earthquake preparedness drill sa Hulyo 30.
Sa nasabing drill, pansamantalang puputulin ang koryente at mobile phone services sa buong Kamaynilaan. Magsasara ang lahat ng tanggapan, negosyo at shopping malls bandang 3pm at 8 pm upang maihalintulad sa tunay na epekto ng 7.2 magnitude quake sa daytime at nighttime.
Magdudulot din ito ng malaking pagbagal sa galaw ng trapiko dahil titigil din pansamantala ang mga trafficlight.
Ayon kay Alunan, dito makikita kung kaya nga ba nating kumilos nang maayos at mapag-aaralan kung anuman ang magiging kakulangan sa nasabing gagawing earthquake drill.
Nagsisimula ang West Valley Fault, higit na kilala sa tawag na Marikina fault line, sa Sierra Madre at dumaraan sa Bulacan, Rodriguez, Rizal, Quezon City, silangang bahagi ng Metro Manila na kinabibilangan ng Pasig, Taguig, Muntinlupa, gayundin sa San Pedro at Sta. Rosa sa Laguna at nagtatapos sa Carmona, Cavite.
“Additionally, coastal areas in the cities of Marikina, Pasig, Taguig, Caloocan, Malabon, Navotas, Marikina, Muntinlupa, Pasay, Las Piñas and the municipality of Pateros are prone to liquefaction and tsunami-like waves or ‘seiche,’ that occurs only in lakes, bays, or gulfs after a seismic or atmospheric disturbance. Think Laguna de Bay and Manila Bay, possibly Taal Lake,” diin ni Alunan.
Kung sakaling lumindol sa Metro Manila, maaapektohan din ang mga lalawigan ng Rizal, Bulacan at Cavite.
Kung kaya iginiit ni Alunan na dapat sumunod ang mga property developer sa ipinatutupad na 5 meter buffer zone sa magkabilang bahagi ng fault line gayundin sa lahat ng alituntunin ng National Building Code of the Philippines.
“Developers are now required to secure a permit from PHILVOLCS before constructing,” ayon sa dating DILG secretary.
“July 30 should be the first of a series of drills based on differing scenarios to test contingency plans, reflexes, instincts, synergies, teamwork and movement. But it will never be enough to simulate the real thing in full horror. Individual survival will depend on the extent of one’s mental, physical and emotional fortitude, not to mention luck, in surviving the disaster and its aftermath through the long road to full recovery that will take years.”