ARESTADO ang isang mataas na lider ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Army, Cavite police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Lunes ng gabi sa Bacoor City, lalawigan ng Cavite.
Si Adelberto Silva ay inaresto kasama ng kanyang misis na si Sharon Ronquillo Cabusao, at Isidro de Lima dakong 11:10 p.m. sa inuupahang apartment sa Brgy. Molino 5 sa bisa ng warrant of arrest kaugnay sa 15 counts ng murder, na inisyu ng Regional Trial Court Branch 18 ng Hilangos, Leyte province.
Napag-alaman, isang taon nang naninirahan si Silva sa kanyang hide-out sa Bacoor at nagpakilalang negosyante, ayon sa police report.
Sinabi ni Supt. Rommel Estolano, Bacoor police chief, si Silva ay miyembro ng CPP Central Committee at pinuno ng National Organization Department ng kilusan. Sinabi ng CIDG sa kanilang Twitter account, si Silva ay secretary general ng CPP, habang sa pahayag ng military, siya ay itinuturing na “highest ranking” leader ng CPP at armado nitong grupo, ang New People’s Army (NPA).
Siya umano ang pumalit sa mag-asawang Tiamzon sa CPP.