HINDI masamang maging isang bise presidente o pangulo ng bansa ang isang ampon.
Ito ang tahasang sinabi ni Senadora Grace Poe bilang balik sa mga patutsada at paninira ng kampo ni Vice President Jejomar “Jojo” Binay makaraan siyang lumagda sa rekomendasyon sa Sub-Committee Report na kasuhan ng plunder ang pangalawang pangulo at anak niyang si Makati City Mayor Junjun Binay kaugnay sa P1.2 bilyong kickback sa Makati City Hall Bldg. Parking II.
Ayon kay Poe, lubha siyang nagtatataka sa patutsada ng kampo ni Binay gayong hindi pa siya nagdedeklara ng ano mang posisyon na kanyang tatakbuhin sa 2016 presidential elections.
Aminado si Poe na bagama’t matunog ang kanyang pangalan na posibleng tumakbo sa 2016 presidential elections, hindi ito ang kanyang prayoridad.
Maging sina Senador Ralph Recto at Senador Francis ‘Chiz’ Escudero ay lubhang nagtaka sa panibagong pasabog ng kampo ni Binay ukol sa tagal nang pananatili ni Poe sa Filipinas, sinasa-bing wala pang sampung taon.
Bagama’t hindi malaman ni Escudero kung ano ang pinaghuhugutan ni Congressman Toby Tiangco sa kanyang pahayag, maliwanag aniyang nakalimutan ng kongresista na naging usapin ito sa kanyang biyenan na tumakbo laban kay Congresswoman Imelda Marcos.
Niño Aclan
Sarili kayang idepensa ni Poe — Palasyo
KOMPIYANSA ang Palasyo na kayang idepensa ni Sen. Grace Poe ang kanyang sarili laban sa akusasyon na diskwalipikado siyang kumandidatong president o bise-presidente sa 2016 elections dahil sa isyu ng residency.
“We are quite sure that the good senator will be capable of answering these questions that are being thrown at her,” ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Ayaw na aniyang magbigay pa ng komentaryo ang Malacañang hinggil sa usapin dahil halatang ang mga naglulutangang isyu ay may kinalaman sa papalapit na halalan.
“Well, it’s… Obviously, we are nearing 2016 and I suppose you can’t help that issues like this come out. But whether… what was the motivation behind it, I cannot really comment and we would really defer to Senator (Grace) Poe to answer. I think she already has. So we will leave it at that,” dagdag pa ni Valte.
Inakusahan ni Navotas Rep. Toby Tiangco si Poe na kulang ng anim na buwan ang residency sa Filipinas kaya hindi uubra na maging presidential o vice presidential bet sa 2016 polls.
Kamakailan ay kinausap ni Pangulong Benigno Aquino III si Poe na nakikita raw niyang puwedeng magtuloy ng ‘daang matuwid.’
Inamin din ni Poe na hinimok siya ni Interior Secretary Mar Roxas para maging ka-tandem sa 2016 presidential elections.
Rose Novenario