MAHIGIT 250,000 establishment sa Metro Manila ang natukoy na wala palang fire safety inspection certificates.
Sa pakikipagpulong ni Interior Sec. Mar Roxas sa local chief executives at mga opisyal ng Bureau of Fire Protection, Department of Labor and Environment (DoLE), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Kampo Crame, ipinatutukoy niya kung alin-alin sa mahigit 250,000 establishment na walang fire safety injspection certificate ang maihahanay bilang high risk, medium risk, at low risk.
Ayon sa kalihim, layon nilang mapagkasunduan kung ano ang dapat gawin, kung kailangan bang ipasara o bigyan ng ultimatum para sumunod sa requirements bago payagang muling makapag-operate.
Batay sa batas, dapat ay nakasusunod sa fire code at fire safety policies ang mga establisyemento bago bigyan ng permit to operate.
Sinabi ni Roxas, pangunahing layunin ng pulong na matiyak na hindi na magkakaroon pa ng shortcut sa fire inspections upang hindi na maulit ang Kentex tragedy.
Dagdag ng kalihim, nais nila na maging ligtas ang mga manggagawa.
Sa report ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region kay Fire Chief Supt. Ariel Barayuga, lumalabas na mula 2014 hanggang unang quarter ng 2015, naitala ang 207,322 establisyementong walang fire safety inspection certificate.
Kung hindi man kumuha ay sadyang hindi naisyuhan dahil may mga dapat pa silang isumiteng requirements o for compliance pa.
Kabilang sa mga alkaldeng dumalo sa pulong ay sina Joey Medina ng Pateros, Herbert Bautista ng Quezon City, Edwin Olivares ng Parañaque, Maribel Eusebio ng Pasig, Del de Guzman ng Marikina, Rex Gatchalian ng Valenzuela, John Ray Tiangco ng Navotas, at Lani Cayetano ng Taguig.
Kasama rin sa pulong sina DoLE Sec. Rosalinda Baldoz at MMDA Chairman Francis Tolentino.