PINAIIMBESTIGAHAN ni Manila Police District Director Chief Supt. Rolando Nana ang inirereklamong “toll fee” sa gate ng MPD na sinisingil sa mga dumadalaw sa preso na nakakulong sa Integrated Jail.
Ito ay makaraan mabatid na nagbabayad ng P50-100 ang mga bumibisita sa mga preso para lamang makita ang kanilang mga kaanak na nakakulong sa Integrated Jail.
Nabatid na ang mga nagbabantay sa gate ng MPD ay mga tauhan ng District Headquarters Support Unit (DHSU) na pinamumunuan ni Chief Insp. Primar Reodica.
Bukod sa toll fee, sinasabing kinokompiska ng mga pulis kapag may nakitang sigarilyong dala ang mga dalaw.
Nabulgar ang ganitong gawain nang magtaka ang mga tauhan ng Integrated Jail kung bakit bihira ang mga dumadalaw sa nabanggit na kulungan.
Ayon sa isang dalaw na hindi nagpabanggit ng pangalan, hindi sila pinapayagang makapasok kapag hindi sila magbabayad ng “toll fee” sa gate.
Kaugnay nito, sinabi ni Nana, ipabeberipika niya ang naturang report at gagawan ng aksiyon sa sandaling mapatunayang totoo ang sumbong.
Leonard Basilio