HINIHINALANG nalason sa ininom na expired vitamins ang isang pari makaraan matagpuang walang buhay sa loob ng kanyang kwarto kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Kinilala ang biktimang si Father Lauro Mozo, 55, parish priest ng Saint Francis Church sa Sta. Quiteria St., Brgy. 162, Baesa ng nasabing lungsod, natagpuang walang buhay dakong 7 a.m.
Batay sa ulat ni PO2 Edgar Manapat, sinabi ni Robert Mozo Cagasan, 21, tinungo niya ang kwarto ng pari dahil nagtataka siya dahil hindi pa naghahanda ang biktima para sa isasagawang misa sa umaga.
Pagpasok niya sa kuwarto, inakala niyang napasarap lamang ng tulog ang pari kaya agad niyang ginising ngunit hindi na gumagalaw ang biktima.
Sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) isang bukas na bote ng expired na mamahaling vitamins ang natagpuan sa tabi ng higaan ng biktima.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
Rommel Sales