TATLONG parsela na naglalaman ng 197 gramo ng methamphetamine hydrochloride, kilala bilang shabu, ang nasabat kahapon sa isang warehouse sa Ninoy Aquino International Airport.
Ang droga na nakatakda sanang ipadala sa magkakahiwalay na bansa sa Italy, United Kingdom, at Kingdom of Saudi Arabia ay may tinatayang street value na P1.5 milyon.
Ayon kay Bureau of Customs District III Collector Edgar Macabeo, ang mga droga ay natagpuang nakatago sa wooden frame, sa rice cooker na may improvised push button sa gilid, at sa baby diapers.
Wala namang ibinigay na detalye tungkol sa nagpadala at mga tatanggap ng parcel dahil sa ginagawang follow-up operations.
Sinabi ni Commissioner Alberto Lina, pinaigting niya ang monitoring sa packages na dumarating at papaalis ng bansa dahil madalas na gumagawa ng paraan ang drug traffickers na maipasok ang kanilang droga sa bansa.
Inilipat na ng Customs ang kustodiya ng shabu sa Philippine Drug Enforcement Agency.
G.M. Galuno