HABANG umaarangkada ang mga konsultasyon para sa panukalang pag-iisa ng Negros Oriental at Negros Occidental ay mistulang nagkaisa na ang dalawang Negros para kay DILG Secretary Mar Roxas.
Matatandaang suportado ni Roxas ang One Negros Region para “walang maiiwan at walang mahuhuli, lahat dapat sabay-sabay na umangat dahil ang gusto lang naman natin ay umangat ang probinsya at hindi magpahuli sa Region 6 and 7,” sabi niya.
Nagpahayag naman ng pag-ayon sa personal na pambato ni PNoy ang mga gobernador ng Negros Occidental, Negros Oriental at Capiz at sinabing ang kanilang susuportahan sa 2016 ay si Roxas.
“Kung pipili tayo ng magtutuloy ng mga magandang nasimulan ng Aquino administration, walang duda na si Sec. Mar Roxas ‘yan. Kilala bilang may kahanga-hangang track record, may tunay na malasakit sa paglilingkod at walang bahid ng korupsiyon,” ayon kay Gov. Roel Degamo.
Pati mga samahang pribado tulad ng Sugar Alliance of the Philippines ay sumama na rin sa mga grupong sumusuporta kay Roxas. Ang SAP ay binubuo ng iba’t ibang organisasyon ng mga planter at pinakamalalaking pamilya sa sugar industry.
“We in the Sugar Alliance of the Philippines would like to stress that Mar was the savior of this industry” sabi ni Manuel Lamata, pangulo ng United Sugar Producers’ Federation of the Philippines.
Matatandaang si Roxas ang naging tulay para makombinsi si Pangulong Noynoy Aquino na iutos sa Bureau of Internal Revenue na itigil ang unlawful taxation sa raw sugar na nakagipit sa mga sugar planters noon.
“We stand by that because that is the truth, so please, when and if Mar decides to run, I hope we will campaign and vote for Mar” tuloy ni Lamata. ”Kung nagpatuloy ang pagpataw ng buwis na ito, magkakaroon ng malaking epekto sa presyo ng asukal, lalo na ang mga nabibili ng ordinaryong mamimili sa mga grocery at sari-sari store.”
Tumawid na rin ang usapang 2016 sa local showbiz personalities. Kabilang dito sina KC Montero at Beauty Gonzales na mga nagparamdam na ng pagsuporta sa pamamagitan ng social media. “(Roxas) is a pretty solid guy…he’s like a crook catcher. He’s Mr. Clean with hair,” sabi ni Montero pagkatapos niyang mabasa ang balitang tinanggap ni Roxas ang hamon ni PNoy.
Ang komedyanteng si Beauty, pabirong sinabi sa kanyang Twitter account na “Wow si Mar Roxas for president, tatakbo? Hahabulin ko siya! Matagal ko na siyang crush!”
Si Carlos Celdran, isang sikat na artist, tour guide at pro-RH advocate ay sinabing susuportahan niya si Roxas or sino mang patatakbuhin ni PNoy para sa pagpapatuloy ng reporma sa gobyerno. May pasimuno pa siyang sariling hashtag: #ImOkayWithThisDaan na tila tugon sa mga nega commenter sa Facebook.
HATAW News Team