MAKATUTULOG na nang mahimbing si Vice President Jejomar Binay dahil lutas na ang problema kung sino ang magiging katambal niya sa 2016 presidential elections.
Inihayag ng actor na si Amay Bisaya sa radio program na “Katapat” kamakalawa ng gabi na nakahanda siyang maging vice presidential bet ni Binay sa halalan sa susunod na taon.
Katuwiran ni Amay, dapat mabigyan ng tsansa ang tulad niya na makapagsilbi sa taong bayan lalo na’t alam niya ang tunay na kahulugan ng kahirapan.
Hindi aniya siya kasama sa mga humuhusga kay Binay na nahaharap sa kaliwa’t kanang imbestigasyon sa umano’y katiwalian na kinasangkutan sa loob ng halos tatlong dekadang paghahari sa Makati City.
“Hindi pa naman siya nahahatulang guilty ng korte kaya okay lang sa akin na maging vice president niya,” dagdag ni Amay.
Giit niya, hindi siya puwedeng ideklarang nuisance candidate ng Commission on Elections (Comelec) dahil kuwalipikado siyang kandidato alinsunod sa pamantayang dapat ay Filipino citizen, nasa wastong gulang at marunong bumasa’t sumulat.
Nais ni Amay na maging housing czar tulad ni Binay para mabigyan ng pabahay ang mga maralita.
Si Amay ay kilalang Marcos loyalist at kasapi ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) habang ang political career ni Binay ay umusbong nang makilala bilang anti-Marcos human rights lawyer.
Percy Lapid