ANO ang nangyari sa kampanya laban sa coconut scale insect (CSI) infestation na nagdulot ng perhuwisyo sa mga magsasaka na ang kabuhayan ay nakadepende sa industriya?
Ito ang nais mabatid ng BABALA (Bayan Bago Ang Lahat). Ang BABALA ay public service entity na may layuning ibahagi sa mamamayan ang mga isyung posibleng makaapekto sa interes ng publiko.
Ayon sa BABALA, nitong nakaraang taon, nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Executive Order 169, nagkaloob ng alokasyong P700 milyon para malunasan ang nasabing peste sa niyugan. Ano anila ang nangyari? Sa huling napaulat na balita, ang peste ay hindi nasugpo.
Inihayag ng coconut farmers ang kanilang mariing pagtutol sa itinurong pamamaraan ng Philippine Coconut Authority na pag-inject ng Neocotinoid, sinasabing nakalalasong kemikal, sa mga puno ng niyog. Pangamba nila, sa Neocotinoid ay maaaring umasim ang sabaw at ang buko ay hindi na maaaring kainin ng tao.
Dagdag nila, kapag nalaman ng foreign buyers na ang ating mga puno ng niyog ay sinaksakan ng nakalalasong kemikal, maaaring mawala sa bansa ang lumalagong foreign market.
Iminungkahi anila ng mga magsasaka kay Pangulong Aquino na utusan ang PCA sa paggamit ng local formulation na napatunayang epektibo laban sa coco pests. Halimbawa anila, ang Botanical Insect Growth Regulator (BIG R1 & R2) na ayon kay Ms. Riza Manalo, entomologist/licensed agriculturist na nakatalaga sa PCA provincial office sa Alaminos, Laguna, ay epektibo laban sa coconut pests.
Sa isang sertipikasyon, sinabi niyang itinalaga siya upang mag-inspeksiyon at mag-validate sa pag-spray ng BIG R1 & R2 sa mga puno ng niyog na pineste ng CSI sa Laguna.
Sa nasabing proseso, pinaakyat niya ang coconut tree climber sa mga puno upang random na makako-lekta ng coconut palms (palapa) bago nag-spray upang mabatid kung ito ay pineste ng CSI. Nang makompirma ang peste, inutusan niyang mag-spray sa mga puno, ng tatlong araw sa panahon ng tag-araw, at ng isang linggo kung may pag-ulan.
Nagsagawa siya ng inspeksyon at validation nang anim na beses. Ininspeksiyon niya ang buhay at patay na mga insekto sa field at sa opisina sa pamamagitan ng powerful lighted lenst at microscope.
Ang kanyang findings: epektibong nakontrol ng BIG R1 & R2 ang CSI.