MAY karisma talaga ang mga bata kapag sila ang bida sa isang teleserye at ilang beses na itong napatunayan ng ABS-CBN lalo na ang Dreamscape Entertainment na ang forte ay pambata ang mga ipino-prodyus na programa tulad ng May Bukas Pa, Honesto, 100 Days, Wansapanataym at iba pa.
At ngayon, pambatang programa na naman ang may hawak ng pinakamataas na ratings ng ABS-CBN, ang inspirational drama series na Nathaniel ni Marco Masa.
Base sa datos mula sa Kantar Media noong Huwebes (Mayo 28), nakamit ng Nathaniel ang all-time high national TV rating nitong 37%, o mahigit doble ng katapat nitong programa sa GMA na Pari Ko’y (16.8%).
Sa pagpapatuloy ng kuwento ng Nathaniel dahil sa aksidente na muntik ikapahamak ni Abby (Yesha Camile), ginamit ni Nathaniel ang kanyang mga pakpak upang sagipin ang buhay nito. Maitatago pa nga ba ni Nathaniel sa lahat na siya ay isang anghel?
Paano nga ba maapektuhan ang kanyang misyon sa lupa kapag nalaman niya na si Rachel (Shaina Magdayao) at Paul (Gerald Anderson) ang tunay niyang mga magulang?
Huwag palampasin ang mas kapana-panabik na tagpo sa kuwentong magpapatunay na may kabutihan sa puso ng mga tao, Nathaniel, gabi-gabi pagkatapos ng TV Patrol sa ABS-CBN Primetime Bida.
FACT SHEET – Reggee Bonoan