Nag-aapura ang mayorya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na maapruba-han ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na magbibigay ng malawak na kapangyarihan at bilyon-bilyong pondo sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nais nilang maisabatas ito upang umabot umano sa pang-anim at huling State of the Nation Address (SoNA) ni President Aquino sa Hulyo 27.
Kung maaari lang brasuhin ng mga kaalyado ng Pangulo sa House ang mga senador para paboran din ang BBL ay ginawa na nila.
Pero ang mga senador ay hindi tulad ng karamihan ng kongresista na madaling tumango sa bawat sabihin ni PNoy. Binubusisi nila nang husto ang mga probisyon lalo na’t marami rito ang salungat sa Konstitusyon.
Marami ang humahanga kay Senador Miriam Defensor-Santiago na hindi nagbago sa pananaw na hindi makapapasa ang BBL kung mananatili ang mga kondisyon na hindi tumutugma sa Saligang Batas.
Gayon din sina Senators Ferdinand Marcos Jr. at Chiz Escudero, na sinisilip at kinukuwestiyon ang maraming kakulangan sa isinusulong na BBL.
Pero sa lahat ng kuskos-balungos para maisabatas ang BBL ay kapuna-puna na nakaligtaan ng butihin nating mga mambabatas ang trahedyang sinapit ng 44 na Special Action Force (SAF) commandos na nagbuwis ng kanilang buhay sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Hindi ito maihihiwalay sa pagbalangkas ng BBL dahil ang nasa likod nito ay grupo ng MILF, na responsable sa malupit na pagmasaker sa naturang SAF commandos.
Sinusuportahan ng gobyerno ang MILF at hindi naaalalang panagutin sila sa kawalanghiyaang ginawa, alang-alang man lang sa mga kaanak ng nasawi.
Ang pagpabor ng administrasyon sa mga rebelde na trumaydor sa SAF ay hindi matatanggap o malilimutan ng mga mamamayan kailan man.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View