ILANG buwan pagkatapos ipag-utos ni DILG Secretary Mar Roxas ang ‘Oplan Lambat Sibat’ laban sa mga wanted criminals, nakikita na ang magandang resulta nito sa mga lugar na sinasakupan ng PNP-Calabarzon.
Ayon kay PRO IV-A Chief Supt. Richard Albano, pagkatapos nang mahigit isang buwang implementasyon ng Lambat-Sibat ay nakaaresto ng 1,147 drug pushers ang pulisya at 52 kataong napapabilang sa Most Wanted Persons list din ang nasakote sa ilalim ng programa.
Ang strategy na ito ng DILG at PNP ay umani ng papuri at magandang resulta sa National Capital Region (NCR) dahil nakalahati nito ang crime rate linggo-linggo. Sa Calabarzon ay bumaba ang linggohang antas ng bilang ng mga krimen sa 103 insidente mula sa dating 169 bago ipatupad ang Lambat-Sibat.
Ang Oplan Lambat Sibat ay isa sa mga programa ng PNP sa ilalim ni Roxas, na tinatawag na “deliberate, programmatic and sustained” ang mga operasyon ng pulisya at base na rin sa “scientific crime reporting.”
“Bawal na ngayon ang bara-bara, ang bahala na system,” sabi ni Roxas.
Iilan lamang sa mga panlaban-krimen ang checkpoints, mobile at beat patrols, operations laban sa mga riding-in-tandem at sa mga ilegal na baril. Sa Calabarzon pa lamang ay tinatayang 328 assorted firearms at 1,661 motorsiklo na ang nakompiska sa Lambat-Sibat operation.
Sa flag raising ceremony kahapon ng umaga sa Camp Vicente Lim, binigyang papuri ni Roxas ang PNP-Calabarzon sa matagumpay na pagsasagawa ng Lambat-Sibat. Dalawampu’t walong pulis ang binigyan ng ‘Medalya ng Kagalingan at Kasanayan’ para sa kanilang kontribusyon sa matagumpay na operasyon.
Pinasalamatan din ni Roxas ang 1,800 bagong recruit mula sa Philippine Public Safety College dahil sa pagpili nila sa buhay ng paglilingkod sa bayan. “Kakaiba ang pinili ninyong trabaho. Kapag may sunog o krimen, ang mga tao, tumatakbo palayo sa insidente. Pero kayo, tumatakbo kayo papunta sa insidente,” sabi niya.
Tiniyak ni Roxas sa pulisya na patuloy ang pagtulong ng national government sa kanilang mga pangangailangan para magawa nila nang mabuti ang kanilang mga tungkulin.
“Nandito tayo para matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan at tiyakin ang kanilang seguridad. Hinding-hindi namin kayo iiwan,” pangako ni Roxas.