POSIBLENG mabulok sa bilangguan si Valenzuela City Mayor Rexlon Gatchalian at iba pang opisyal ng lungsod, at may-ari ng pabrika kapag napatunayang guilty sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide bunsod ng Kentex fire na ikinamatay ng 72 obrero.
Inihayag kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III, maaaring sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at falsification of documents dahil binigyan ng business permit ang Kentex factory kahit bagsak sa fire safety inspection.
”So, marami hong ginagawang kilos ngayon sa imbestigasyon patungo sa pagkakaroon ng — patungo sa pagsasampa ng mga kaukulang mga kaso sa mga nagkulang na hindi sumunod sa mga batas na nandyan na. For instance, ‘yung local government unit, alam ninyo na requirement ‘yung fire safety inspection certificate, binigyan ninyo ng business permit, binigyan rin ng certificate of occupancy na wala itong fire safety inspection certificate,” sabi ng Pangulo.
Aniya, 23 pabrika sa paligid ng Kentex factory ay ininspeksiyon agad makaraan ang sunog noong Mayo 13 at nabisto ng Bureau of Fire Protection (BFP) na may mga paglabag kaya hindi pumasa sa kanilang pamantayan.
Aniya, isa sa nasabing 23 pabrika ay tuluyan nang ipinasara dahil sa rami ng violations.
Idinagdag ng Pangulo, makikipagpulong si Interior Secretary Mar Roxas sa mga alkalde sa Metro Manila para paigtingin ang kampanya sa pag-iinspeksiyon sa 300,000 establisyimento sa buong Kalakhang Maynila.
“Ngayon, medyo mabigat ho talaga 300,000 establisyimento po sa National Capital Region lang ‘yan pero marami pa sa ibang mga lugar. Kaya ang hinahabol natin dito huwag maulit ‘yang trahedyang iyan. So, makikipagpulong bukas si Secretary (Mar) Roxas kasama ng ating mga mayor sa NCR para paigtingin ang kampanyang ito,” dagdag niya.
Nahaharap din aniya sa asunto ang may-ari ng Kentex factory dahil sa pagpapatupad ng labor only contracting na ipinagbabawal sa Labor Code.
Rose Novenario