PATAY ang Chinese trader at softdrinks dealer makaraan pagbabarilin ng hindi nakilalang mga lalaki sa magkahiwalay na lugar sa Maynila at Caloocan City kamakalawa.
Hindi na umabot nang buhay sa Justice Jose Abad Santos Hospital ang negosyanteng Chinese na si Weng Wen Yong, alyas Leo/Ayong, 25, ng 14-D Aquino Street, 2nd Avenue, Caloocan City, makaraan barilin ng dalawang lalaki sa loob ng kanyang tindahan sa Binondo, Maynila.
Habang tinutugis ng pulisya ang suspek na isang alyas Corintoh, 22, siyang bumaril sa biktima, at isang 20-anyos lalaking nagsilbing lookout sa insidente, mabilis na tumakas makaraan ang insidente.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan ng Manila Police District Homicide Section, dakong 1:30 p.m. nang maganap ang insidente sa loob ng tindahan ng Lamprea General Mechandise sa 463 Clavel Street, San Nicolas, Binondo, Maynila.
Abala sa kaha ang biktima nang biglang pumasok si Corintoh at pinaputukan sa dibdib ang negosyante at pagkaraan ay mabilis na tumakas kasama ng isa pang suspek na naghihintay sa labas.
Samantala, patay rin ang isang softdrinks dealer habang himalang hindi tinamaan ang kanyang asawa, tatlong anak at pamangkin, nang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo kamakalawa ng umaga sa Caloocan City.
Hindi na umabot nang buhay sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang biktimang si Ronnie Milanes, 42, negosyante, sanhi ng dalawang tama ng bala ng kalibre. 45 sa dibdib.
Agad iniutos ni Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, ang manhunt opreation laban sa dalawang suspek na mabilis na tumakas.
Batay sa ulat ni SPO1 Frederick Manansala, dakong 8:30 a.m. nang mangyari ang insidente sa kanto ng C-4 Road at Dagat-Dagatan Ave., sa nasabing lungsod.
Minamaneho ng biktima ng kanyang L-300 van, kasama ang misis na si Myreen, 36, tatlong anak na may edad 7, 10, 15, at isang 13-anyos pamangkin, nang tambangan ng dalawang suspek.
Galing sila sa Bulacan at pauwi sa kanilang bahay nang sabayan ng motorsiklo ng mga suspek at pinagbabaril ang biktima.
Ayon sa ulat, si Milanes lamang ang target ng mga suspek dahil ang driver’s seat lamang ang pinaputukan ng mga salarin.
Salaysay ng misis ng biktima, matagal nang may natatanggap na death threat ang kanyang mister mula sa hindi nakilalang suspek na may kinalaman sa kanilang negosyo ng softdrinks.
Pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang text messages sa cellphone ng biktima at pansamantalang hindi inilantad ang mga pangalan habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung sino ang utak sa krimen.
Leonard Basilio/Rommel Sales