UMABOT na sa 10 ang bilang ng mga senador ang lumagda sa Senate Blue Ribbon Sub-committee report na nagrerekomendang sampahan ng kasong pandarambong o plunder si Vice Pre-sident Jejomar Binay bunsod ng pagkakasangkot sa maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall Building II.
Ang mga lumagda ay pinangunahan ng chairman ng sub-committee na si Sen. Koko Pimentel, at sina Senators Grace Poe, Chiz Escudero, Bam Aquino, Sen. Serge Osmena III, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Miriam Defensor-Santiago, Antonio Trillanes IV at ang chairman ng mother Senate Blue Ribbon Committee na si Sen. TG Guingona.
Ngayong mahigit na sa mayorya ng 17 miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee ang lumagda, inaasahan na tatalakayin na sa plenaryo ang rekomendasyon para pagdebatehan.
Ngunit sa oras na pumasa sa plenaryo ng Senado ay isusumite ito sa Office of the Ombudsman at Department of Justice (DoJ) upang pag-aralan ng naturang departamento para sa pagsampa ng kaso laban sa mga respondent.
Nabatid na bukod kay Vice President Binay, kabilang din sa pinakakasuhan ang kanyang anak na si Makati Mayor Junjun Binay at 18 iba pa.
Ang naturang committee report ay partial pa lamang dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng komite ni Pimentel sa mga isyu ng katiwalian na kinasasangkutan ng mga Binay.
Cynthia Martin/Niño Aclan