INIHAYAG ng Embahada ng Filipinas sa Japan na walang Filipino na nasaktan o namatay sa magkasunod na lindol na tumama roon.
Ayon sa United States Geological Survey (USGS), pasado 8:30 p.m. nitong Sabado nang maitala ang magnitude 7.8 lindol sa layong 870 kilometro sa timog ng Tokyo.
Sinundan ito ng magnitude 6.4 lindol sa Izu Islands nitong Linggo ng umaga.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Japan Manolo Lopez, wala pa silang natatanggap na ulat na may Filipino na nasaktan o namatay sa dalawang insidente.
Kompiyansa ang opisyal na ligtas ang mga kababayan mula sa unang lindol dahil sa lalim ay hindi masyadong naramdaman sa Tokyo.
Wala rin aniyang Filipino na nakatira sa liblib na islang sentro ng ikalawang pagyanig.
Tiniyak ng opisyal na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga kababayan sa Japan upang matiyak na sila ay ligtas.