Mison muling kinasuhan sa Ombudsman
hataw tabloid
June 1, 2015
News
SINAMPAHAN ng kasong kriminal si Immigration commissioner Siegfred Mison, limang kawani at ang warden ng BI Detention Facility sa Bicutan dahil sa paglabag sa Republic Act 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officers and Employees.
Ayon kay Ricardo Cabochan, kasalukuyang intelligence officer ng BI, isinampa niya sa Tanggapan ng Ombudsman ang impormasyon laban kina Mison, immigration officers (IOs) Wilson Soluren, Gary Baltazar at Arsenio Cantada, civilian agents Andres Sayoco, Aldrin Larrosa at BI detention facility acting warden L’Rev Dela Cruz.
Sa kanyang complaint affidavit, inireklamo ni Cabochan na guilty rin ang mga respondent sa paglabag ng RA 3019, partikular ang Section 3(a), (e), (h) at (j) iba pang batas na may kaugnayan sa Revised Penal Code sa ilalim ng Article 223 o 224 na may kinalaman sa infidelity of custody of prisoners.
Nag-ugat ang reklamo ni Cabochan mula sa sinasabing mga iregularidad na pinasimulan ng mga respondent at humantong sa misteryosong paglaya at pagkawala ng isang arestadong dayuhan, na kinilalang si Chinese national Fu Gaofeng at inaresto dahil sa pagtatrabaho sa Pilipinas nang walang kaukulang working visa o permit.
Ayon sa complainant, ang usapin ay tahasang paglabag sa establisadong protocol, lalo sa dahilang may nauna nang ipinalabas na warrant of deportation na ibinatay sa pagpapatupad ng deportasyon ng nabanggit na Chinese national.
Sinabin rin ni Cabochan na sa paglabag ng immigration laws, hindi maaaring mangatuwiran si Mison ng kawalan ng kaalaman dahil ang pagpapalaya ng sinumang dayuhan, partikular na kay Fu, ay maaari lamang mangyari sa naunang pag-uutos ng mismong commissioner ng BI.
“Nagsabwatan ang respondent para matiyak ang paglaya ng nasabing indibiduwal sa kabila ng pagkakaroon ng final warrant for deportation para sa undesirability nito sa ilalim ng Section 69 ng RA 2711,” kanyang ipinunto.
Idinagdag ni Cabochan na sina Mison, ang mga immigration agents at warden, na umaresto at nagdetine kay Fu, ay pumayag sa iregular na pagpapalaya nito nang walang natatanggap na mga dokumentong magpapatunay.
Binigyang-diin ni Cabochan ang kanyang re-assignment sa Tanggapan ng Commissioner, na ang suspetsa niya’y paraan ni Mison na gantihan siya sa pamamagitan ng harassment at pananakot para bawiin ni Cabochan ang kanyang mga pahayag laban sa pinuno ng BI.
HATAW News Team