ni ROSE NOVENARIO
HANDANG-HANDA na ang Department of Education (DepEd) at ibang mga ahensiya ng pamahalaan sa pagdagsa ng 23 milyong mag-aaral ng elementary at high school sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., ang puspusang paghahanda sa pasukan sa 46,624 paaralan sa buong bansa ay alinsunod sa pagtupad sa direktiba ni Pangulong Benigno Aquino III na tiyakin na maayos, ligtas at mapayapa ang pagsisimula ng klase.
Bukod sa DepEd, nagpakalat na rin aniya ng 800 traffic personnel ang Metro Manila Development Authority (MMDA) upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng mga lansangan sa kalakhang Maynila.
Nakikipag-ugnayan din aniya ang Philippine National Police (PNP) para sa seguridad ng mga mag-aaral at lahat ng paaralan.
“Patuloy din ang isinasagawang pagbabantay ng Department of Trade and Industry at Food and Drugs Administration sa presyo at suplay, maging ang kaligtasan ng mga gamit pang-eskwela,” ayon kay Coloma.
Sabi pa ni Coloma, hudyat din ng pagsisimula ng klase ang pormal na pagpapatupad ng K-to-12 program na isa sa mga haligi ng reporma sa sektor ng edukasyon upang ibayong mahubog ang kakayahan at kasanayan ng mga mag-aaral sa kanilang paghahanda sa pagpasok sa kolehiyo.
Sa pamamagitan ng K to 12 ay magiging higit na handa aniya ang mga estudyante sa pagpasok sa trabaho at paglahok sa pagsisimula ng negosyo.
May tatlong petisyon ang isinumite sa Korte Suprema na hinihiling na itigil ang implementasyon ng K to 12 dahil hindi pa anila handa ang bansa na ipatupad ito.
500 MPD COPS IKINALAT SA U-BELT
ni LEONARD BASILIO
AABOT sa 500 miyembro ng Manila Police District (MPD) ang nakatakdag ikalat sa university belt area at iba pang pampublikong paaralan sa Maynila sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Ayon kay MPD Director Chief Supt. Rolando Nana, layunin nitong mabigyan ng proteksiyon ang mga estudyante laban sa masasamang elemento.
Nakiisa rin ang MPD sa Brigada Eskwela sa pamamagitan ng pagtulong ng mga pulis na maisaayos ang mga silid-aralan sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa lungsod.
Bukod sa UBA, lalagyan rin ng police visibility ang pampublikong paaralan partikular na ang Magat Salamat Elementary School, at Manuel L. Quezon Elementary School para mabigyan ng proteksiyon ang mga mag-aaral sa posibleng drug war.
Ito ay makaraan humingi ng proteksiyon kay Nana ang Parents and Teachers Association(PTA).
Pinayuhan ni Nana ang mga mag-aaral na iwasang magsuot ng mga alahas at maglabas ng kanilang gadgets na siyang target ng masasamang elemento.
Sinabi rin ni Nana na dapat ay maging mapagmanman ang mga estudyante at agad i-report sa mga awtoridad ang kahina-hinalang mga tao sa paligid ng kanilang mga paaralan.
ULAN INAASAHAN
POSIBLENG ulanin ang pagbubukas ng klase ngayong Lunes, Hunyo 1, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ito’y kasunod na rin nang malakas na pag-ulan na naranasan sa Metro Manila at ilang lalawigan sa Luzon at Visayas nitong Sabado ng gabi dahil sa localized thunderstorms.
Ipinaliwanag ni PAGASA weather forecaster Shelly Ignacio, ang bansa ay nasa transition period na mula sa tag-init patungong tag-ulan.
Habang patuloy pa ring iiral ang maalinsangang panahon maliban na lamang sa pulo-pulong pag-ulan sa dakong hapon o gabi bunsod ng thunderstorm.
Dugtong ni Ignacio, “Sa transition period, hindi tayo agad-agad na magsi-shift sa isang season, so mapapansin mo, dahan-dahan s’ya, dahan-dahang pagbaba ng temperatura at pagpasok ng ulan.”
Sa kalagitnaan ng Hunyo inaasahang mag-uumpisa ang rainy season.
Nagpaalala rin ang PAGASA sa publiko na maging handa sa ulan at pagbaha.