ANG talumpati kamakailan ng ating espesyal na Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa Marikina Elementary School na tiniyak niya na magiging “First World” ang ating bansa kung itutuloy lamang ng susunod na administrasyon ang kanyang “Tuwid na Daan” ang patunay na hindi nakasayad sa lupa ang kanyang mga paa.
Dangan kasi ang mga sinasabi ni BS. Aquino ay walang batayan sa pang araw-araw na nararanasan natin. Siguro dahil sa “cordon sani-taire” at mga chu-chu-wa na nakaikot sa kanya kaya ganoon o maaari rin na dahil mayaman ang angkan niya ay masyado na siyang malayo sa mga tulad nating maliliit, ayun kung magsalita tuloy ay parang wala siya sa Pilipinas.
May palagay ako na sa ilalim ng kanyang Tuwid na Daan ay hindi nagagawi si BS Aquino sa mga lansangan ng Kalakhang Maynila tuwing rush hour. Hindi niya nararanasan kung gaano katindi ang impiyerno na inaabot ng ating mga kababa-yan dahil sa kondisyon ng mga lansangan daloy ng trapiko na batbat sa kawalang disiplina.
Hindi niya alam kung paano nambibiktima ang mga abusadong pulis, kung paano magmaneho ang mga walang hiyang drayber at kung paano walang paki ang mga pedestrian sa mga tawiran. Hindi niya nararanasan kung gaano kahirap mag-abang nang masasakyan mapa-jeep, bus, o taxi man ito, lalo na kung umuulan dahil may maga-rang air conditioned na sasakyan at drayber siya. Hindi rin siya nakasasakay sa mga tren na bukod sa napakasama ng serbisyo at takbo ay may pagkakataon na delikado pa.
Hindi naranasan ni BS Aquino na pumila sa mga pampublikong ospital o health center sa ilalim nang nagniningas na Haring Araw para lamang harapin ng mga aroganteng medical at administrative staff at masabihang walang available na gamot na maga-gamit. Hindi niya naranasan na maglakad sa mga mapu-putik at mababahong pasilyo ng Tatalon, Quezon City, Isla Puting Bato sa Maynila o Karangalan Village sa Cainta. Hindi niya naranasan kung paano pinoproblema ng maliliit ang kanilang kakainin sa maghapon, problema na nagbigay-daan sa mga pagkain na kung tawagin ay ‘pagpag’ o ‘yung mga tirang pinulot sa basurahan at niluto para maibenta nang mura sa mga bangketa.
Paano magiging daan sa pagiging first world ang Tuwid na Daan samantala ang pangunahing katangian nito ayon sa mga ikinilos ni BS Aquino ay paninisi sa mga sinundang pamunuan, pagya-yabang at pagdidiin sa mga kalaban sa politika at pagbibigay naman ng pabor sa mga kakampi?
Sabagay walang masama na mangarap si BS Aquino pero huwag na sana niyang ibinabahagi ito. Sarilinin na lang niya, kasi ang kanyang pa-ngarap ay bangungot natin.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling. Magpadala ng mensahe sahttps://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.